ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 23, 2023
Gusto sanang isipin ni Mark na pinagtitripan lamang siya ni Tonette (Maritoni), pero alam niyang malaki ang pagkakaiba ng taong madalas niyang makausap kaysa sa taong nakikita niyang maganang kumakain ng tinola. Sa palagay niya tuloy ay mayroon itong split personality.
Ang split personality ay mas kilala sa tawag na Dissociative identity disorder (DID), na ang ibig sabihin ay may iba’t ibang katauhan. Maaaring hindi lamang isa o dalawa kundi anim na personalidad ang mayroon ito. Ganu’n nga ba si Tonette?
“Hi Chelsea, kumusta ka na?” Masuyong tanong niya rito.
“Ito, gutom na gutom.”
Hindi na siya kumibo, pinagmasdan at pinag-aralan niya na lang ang kilos nito.
“Kaya nga nagtataka ako sa’yo kanina, eh.”
“Hindi kasi ako ‘yun.” Pagkaraan ay tumigil ito at pinakatitigan siya.
“Hindi ka ba natatakot?” Tanong pa nito kay Mark.
“Saan naman ako matatakot?”
“Sa akin? Sa amin ni Tonette. Wala kasi talagang may alam na may ganito siyang sakit.”
“Bakit?”
“Siyempre, nakakahiya na ipaalam sa lahat na mayroon kaming iba’t ibang katauhan. ‘Di ‘ko lang alam kung bakit mas may tiwala kami sa’yo kaysa ru’n sa guy best friend ni Tonette. Ah, siguro dahil mas pogi ka.”
Sa puntong iyon ay hindi niya napigilang mapahalakhak. Ramdam niya na kasi noong una pa na may gusto sa kanya si Tonette. Bigla kasi itong natutulala pag sila’y magkausap. Pero siyempre, ayaw naman niyang pansinin iyon dahil ayaw din niyang mapahiya at iwasan siya nito.
Sa katunayan, crush din niya ito. Simple lang kasi ang kagandahan ni Tonette.
“Dahil sa iyo, hindi niya magawa ang kanyang misyon na subaybayan at alamin kung ikaw nga ba ang serial killer” wika ni Chelsea sabay tutop sa kanyang bibig.
Samantala, si Mark naman ay napakunot ng noo at sabay sabing, “hindi ba, isa siyang manunulat?”
Tutop pa rin nito habang umiling nang umiling. Ngunit, desidido si Mark na malaman ang katotohanan.
“Ipagluluto ulit kita ng tinola.”
“Nag-undercover si Maritoni o mas kilala mo bilang Tonette. Nagpanggap siyang madre pero lumabas siya ng kumbento para mapalapit sa iyo. Ang pag-ibig nga naman.”
Sa puntong iyon, naningkit ang mga mata ni Mark. Sa lahat kasi ng ayaw ay iyong manloloko, “humanda sa akin ‘yang Tonette na ‘yan.”
Itutuloy…
Σχόλια