ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | September 9, 2024
Dear Sister Isabel,
Unang-una sa lahat, nawa ay nasa maayos kayong kalagayan kapiling ang inyong mga mahal sa buhay.
Uumpisahan ko ang pagbabahagi ng aking kuwento mula nang magtrabaho ako sa abroad. Sa Korea, kung saan ako nagtrabaho, ru’n ko nakita ang lalaking kapwa ko Pilipino.
Isa siyang seaman, at nag-stop over ang barko nila sa Korea. Pero sa kasamaang palad, bigla na lamang siyang isinugod sa ospital dahil pumutok na umano ang sakit niyang appendicitis. Dahil wala siyang kaanak du’n, nakiusap siya sa akin na kung maaari ako muna ang magbantay sa kanya.
Actually, kapitbahay ko siya sa ‘Pinas at mag-childhood sweetheart kami, pero iba ang nakatuluyan niya.
Sa madaling salita, muli kaming pinagtagpo ng tadhana. Paglabas niya ng ospital, agad siyang pinauwi sa ‘Pinas, at nagkataon pang tapos na rin ang contract ko sa Korea.
Pag-uwi namin sa ‘Pinas, todo-iwas ang ginawa ko sa kanya dahil isa na siyang pamilyadong lalaki. Pero, ayaw niya akong tantanan. Ang hirit pa niya sa akin ay puwede naman umano naming ilihim ang aming relasyon.
Hirap na hirap na ako sa ginagawa kong pag-iwas sa kanya, dahil mahal ko rin siya, at para bang ‘di ko na kayang pigilan pa ang aking nararamdaman.
Ang sabi pa niya, hindi raw sila kasal ng asawa niya, kaya ‘di raw masasabing isa akong kabit.
Sister Isabel, inamin niya rin sa akin na ako ang tunay niyang mahal mula nu’ng kami’y mga bata pa. Natupad na raw niya lahat ng kanyang pangarap, at isa na lang ang hindi pa, iyon ay ang makasama ako habambuhay.
Ano ang gagawin ko? Mahal na mahal ko rin siya. Sa katunayan, siya lang talaga ang hinihintay kong bumalik sa buhay ko. At ngayon nga'y naganap na, dapat ba akong pumayag sa gusto niya na ituloy ang relasyon namin? Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Josephine ng Tarlac
Sa iyo, Josephine,
Sa biglang tingin ay parang napakahirap solusyunan ng problema mo, pero kung talagang susuriing mabuti, makikita natin na siya talaga ang destiny mo. Kaya kahit may kinakasama na siya, muli pa rin kayong pinagtagpo ng kapalaran. Dahil diyan, kahit ano’ng iwas mo, wala kang magagawa dahil kayo ang nakatakdang magsama habambuhay.
Ang pinakamabuti mong gawin, tutal hindi naman pala siya kasal at hindi naman talaga niya mahal ang kanyang kinakasama, huwag n’yong sikilin ang inyong damdamin, dahil anumang iwas ang gawin n’yo, wala pa rin kayong magagawa dahil kayo ang itinakda ng tadhana.
Mahirap hadlangan ang tinatawag na destiny, at sabihin mo sa kanya na ‘wag na ‘wag niyang pababayaan ang kanyang pamilya, lalung-lalo na ang kanyang mga anak.
Sundin mo na ang tibok ng iyong puso, dahil kapalaran na mismo ang kumikilos upang muli kayong pagtagpuin.
Sige na, huwag mo nang sikilin ang iyong damdamin, bagkus sundin mo na lang ang itinitibok ng iyong puso para matupad na rin ang pangarap n’yo.
Hangad ko ang kaligayahan mo sa piling ng lalaking pilit mong iniiwasan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo