top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg

Magdamag umatake... 47 patay, 22 pa sugatan sa gang raid sa Haiti

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 42 minutes ago
  • 2 min read

ni Justine Berganio @Overseas News | August 26, 2026



Insecurity protest matapos ang madugong raid ng armadong grupo - Reuters-Fildor Pq Egeder

Photo: Ang insecurity protest sa Haiti matapos ang madugong pag-atake ng armadong gang sa Kensoff, kabisera ng Haiti na Port-au-Prince. Reuters / Fildor Pq Egeder



HIndi bababa sa 47 katao ang nasawi at 22 iba pa ang nasugatan sa magdamagang pag-atake ng armadong gang sa Kenscoff, isang komunidad sa kabundukan na nakatanaw sa kabisera ng Haiti na Port-au-Prince, ayon sa United Nations (U.N.).


Ayon sa United Nations Integrated Office in Haiti, maaari pang magbago ang bilang ng mga nasawi habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Nagsimula ang pag-atake bandang 10:30 ng gabi, lokal na oras.


Sinabi naman ng Haitian human rights group na RNDDH na nasa 30 hanggang 40 katao ang namatay at 15 hanggang 20 ang nasugatan sa insidente.


Ilang residente ang nanawagan sa pagbibitiw ng lokal na hepe ng pulisya, dahil umano sa kabiguang maprotektahan ang mga residente kahit malapit lamang sa himpilan ng pulisya ang lugar ng pag-atake.


Kinondena ng pamahalaan ng Haiti ang insidente at nangakong palalakasin ang seguridad sa Kenscoff.


Matagal nang nakararanas ng karahasan ang komunidad. Sa mga pag-atake noong unang bahagi ng 2025, mahigit 260 katao ang napatay, 200 bahay ang nawasak o sinunog, at nasa 3,000 residente ang napilitang lumikas, ayon sa UN.


Mula noon, halos isang dosenang pag-atake pa ang naitala, kabilang ang panggagahasa, kidnapping, panununog at pagnanakaw ng mga alagang hayop.

Ayon sa lokal na media, ilang bahay ang sinunog, kabilang ang tahanan ng kilalang public health expert na si Jean William Pape.


Samantala, patuloy ang operasyon ng U.N.-backed Gang Suppression Force, na target na magkaroon ng mahigit 5,500 tauhan ngayong taglagas upang tumulong sa pulisya sa paglaban sa mga armadong gang.


Dahil sa patuloy na karahasan, nababahala rin ang mga awtoridad sa kakayahan ng Haiti na magsagawa ng halalan sa Disyembre, na magiging unang halalan sa bansa matapos ang isang dekada.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page