- BULGAR
Pagpapaghuli sa mga gambling lords, malaking hamon sa bagong PNP Chief
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 3, 2022
MAGAWA KAYA NI PNP CHIEF GEN. AZURIN MAGPAHULI NG MGA GAMBLING LORDS?—Sa wakas, nagtalaga na rin si Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ng kauna-unahang Philippine National Police chief ng kanyang administrasyon at ito ay sa katauhan ni P/Gen. Rodolfo Azurin.
Tingnan nga natin kung kaya ni PNP Chief, Gen. Azurin magpahuli ng mga gambling lords at ipatigil ang lahat ng uri ng illegal gambling sa bansa.
◘◘◘
MAY BALLS KAYA SI GEN. BACARRO MAGPAHULI NG MGA MANGINGISDANG CHINESE SA WEST PH SEA?—Nagtalaga na rin si P-BBM ng kauna-unahang Armed Forces of the Philippines chief ng kanyang pamahalaan at ito ay si Gen. Bartolome Bacarro.
Abangan din natin, mga kababayan, kung may "balls" si Gen. Bacarro na magpahuli ng mga mangingisdang Chinese sa West Philippines Sea (WPS).
◘◘◘
HUWAG SANANG MANGYARI, ANG P8.5-B LAAN SA HALALANG PAMBARANGAY MAGING PORK BARREL NG MGA CONG. AT SEN.—Sa State of the Nation Address ni P-BBM ay inilatag niya ang mga priority bills ng kanyang administrasyon at hindi kasama sa kanyang priority bills ang pagpapaliban ng barangay at SK (Sangguniang Kabataan) elections, pero sa kabila nito ay isinusulong pa rin ng mga kongresista at senador ang bill na magpapaliban sa halalang pambarangay para ang pondong P8.5 bilyong gagamitin sa eleksyon ay magamit na lang pantulong sa mga kababayang labis naapektuhan ng pandemya.
Kung magtatagumpay ang mga kongresista at senador na ipagpaliban ang halalang pambarangay, sana lang totoo na ang P8.5-B ay mapupunta sa mga kababayan nating naapektuhan ng pandemya at hindi sa pork barrel ng mga cong at sen.
◘◘◘
HUWAG NANG UMASA ANG PAMILYA NG MGA EJK VICTIMS NA UUSAD PA SA ICC ANG ISINAMPA NILANG KASO LABAN KINA EX-P-DUTERTE, SEN. DELA ROSA AT IBA PA—Mismong si P-BBM na ang nagsabi na hindi na muling sasapi sa International Criminal Court ang Pilipinas at nagpahiwatig din ito na hindi papasukin ang mga ICC investigators para mag-imbestiga sa naganap na EJK sa bansa.
Dahil si P-BBM na ang nagsabi niyan ay huwag umasa ang pamilya ng mga EJK victims na uusad pa sa ICC ang kasong crimes against humanity na isinampa nila kina dating Pres. Rodrigo Duterte, dating PNP chief, Sen. Ronald Dela Rosa at sa iba pang sangkot sa kasong ito.