Magandang ulap, senyales ng peace of mind
- BULGAR
- Nov 12, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | November 12, 2021
Analisahin natin ang panaginip ni George ng Masbate.
Dear Maestra,
Matagal ko nang gustong magpaanalisa ng aking panaginip dahil hangang-hanga ako sa column ninyo. Gayundin, halos araw-araw akong nananaginip at minsan ay labis akong naguguluhan, lalo na kung pangit ang napanaginipan ko. Buti na lang, may column kayo tungkol sa kahulugan ng mga panaginip.
Napanaginipan ko na nakaupo ako sa ilalim ng malaking puno ng mangga, malabay at napakaganda ng mga dahon nito at hitik na hitik din sa bunga. Malapit sa beach resort sa amin ‘yung puno, tapos tanaw na tanaw ko ang ganda ng ulap sa kalangitan at ang sarap damhin ng simoy ng hangin sa aking paligid. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
George
Sa iyo, George,
Maganda ang ibig sabihin ng panaginip mo na nakaupo ka sa ilalim ng punong mangga na malaki, malabay at hitik sa bunga. Ito ay nangangahulugan ng kasaganaan at kaunlaran sa iyong buhay. Gayundin, papalarin ka sa negosyo, at magtatagumpay ka sa mga transaksiyon mo at habambuhay kang walang magiging mabigat na problema.
Nagpapahiwatig din ito ng matatag na pagsasama ninyong mag-asawa at kaligayahan sa piling ng inyong mga anak, gayundin sa iyong mga kaibigan, kumbaga, susuwertehin ka sa mga kaibigan at madadagdagan pa ang mga tapat mong kaibigan. Sila rin ay maaasahan, magiging masaya at madalas ang bonding ninyo.
‘Yun namang magandang ulap sa kalangitan ay nagpapahiwatig ng kapayapaan ng isipan, banayad, kalmado, walang stress na nararamdaman.
Hanggang dito na lang. Maraming salamat sa pagsubaybay mo sa aking kolum. Tuloy-tuloy nawa ang mga pagpapalang nararanasan mo sa kasalukuyan gaya ng ipinahihiwatig ng panaginip mo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments