Magandang trabaho at girlfriend, parating sa binatang engineering graduate
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 7, 2022
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni dahil nais kong itanong sa inyo kung ano ang kapalaran ko, gayundin kung makakapag-abroad ba ako?
Ako ay nakapagtapos ng kursong electrical engineering, pero wala pa akong permanenteng trabaho na angkop sa course ko na tinapos ko. Nakakapagtrabaho naman ako, pero madalas ay hindi angkop sa natapos kong kurso ang napapasukan ko. Kailan ako magkaka-trabaho na may kinalaman sa course ko at may malaking suweldo?
Nais ko ring malaman kung sino-sino ang mga babaeng ka-compatible ko. Sa ngayon kasi ay wala pa akong girlfriend. Kailan ako magkaka-girlfriend? Isinilang ako noong March 16, 1998.
Umaasa,
Benjamin ng San Antonio, Bacolor, Pampanga
Dear Benjamin,
Ayon sa birth date mong 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7), sa destiny number mong 9 (3+16+1998=2017/ 20+17=37/ 3+7=10/ 1+0=1) at sa zodiac sign mong Pisces, masyado kang maraming iniisip at pinapangarap, ngunit sa kasalukuyan ay masasabing kulang ka pa sa kongkretong aksyon, aktuwal na pagkilos at pagpapatupad.
Minsan naman, naipapatupad mo ang iyong mga ideya at plano, pero dahil kulang ka sa konsentrasyon, madali kang pinanghihinaan ng loob, tumitigil at sumusuko hanggang sa tuluyang mabura at mabigo ang iyong mga sinimulang gawain.
Upang malubos ang iyong tagumpay at kaligayahan, kailangang mag-concentrate ka sa iisang bagay at ito ay ang tungkol sa natapos mong kurso. Kaya kung hindi ka pa nakakapasa sa board exam, tulad ng nasabi na, ang destiny number mong 1 ang nagrerekomenda na kung ano ang kursong natapos mo, ru’n ka magpokus, sapagkat pagdating ng panahon, du’n ka rin papalarin, mag-e-excel, sisikat, magtatagumpay at aasenso.
Dagdag pa rito, napansin mo ba na ang susunod na taon ay 2023? Ito ay may sumatotal na 7 (dahil ang 2023 ay 20+23=43/ 4+3=7) na siya ring destiny number mo, kung saan sa panahong ito at sa edad mong 25 na eksaktong 7 rin ang tuos (dahil ang 25 ay 2+5=7), tiyak ang magaganap sa susunod na taong 2023 — maraming malalaki at kakaibang suwerte ang iyong matatanggap, hanggang sa makasumpong ka ng matatag, malaki ang suweldo, permanente at asensadong trabaho.
Upang mas madaling matupad ang mga pag-aanalisang tinuran, sinasabing kailangan ay palagi kang magsuot ng mapalad mong kulay na berde at dilaw. Sa nasabing kulay, madali mo nang mapipitas ang suwerte at kusa mong maaakit ang magagandang kapalaran.
Pangalawa, napansin mo ba na ang iyong lagda na medyo baboy o burara sa unahang bahagi? Baguhin mo ‘yan, kailangang hindi naburara ang paggawa mo ng letrang “e” sa iyong pirma. Magagawa mo ‘yan kung simpleng “e” ang iyong isusulat sa halip na magkaroon pa ng kung ano-anong bilog at burloloy.
Sa ganyang paraan, kung simple at hindi nababoy o naburara ang unahang bahagi ng iyong lagda, mas madali mong makakamit ang katuparang pangmateryal sa iyong propesyon at kusa ka na ring magkakaroon ng maligayang relasyon.
Ibig sabihin, kapag nawala na ang “conflict” sa iyong inner self na kumakatawan sa nababoy o naburara na unahang bahagi ng iyong lagda, tiyak ang magaganap sa iyong career at pag-ibig dahil magtatagumpay at magiging maligaya ka na.
Sa pakikipagrelasyon, ka-compatible ng zodiac sign mong Pisces ang mga babaeng isinilang sa zodiac sign na Cancer, Scorpio, Virgo, Gemini, Capricorn at kapwa mo Pisces, higit lalo silang may mga birth date na 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 4, 13, 22, 31, 8, 17, 26, 1, 10, 19 at 28.
Samantala, ayon sa iyong Love Calendar at Career Calendar tulad ng nasabi na, sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 25 pataas, magkaka-girlfriend ka na, magkakaroon ng regular at matatag na trabaho na angkop sa natapos mong kurso, hanggang sa tuloy-tuloy ka nang magtagumpay at umasenso.




Comments