Magandang career at bagong love life, parating sa bebot na hiwalay sa asawa
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | March 24, 2023
Dear Maestro,
Naisipan kong kumonsulta sa inyo hinggil sa aking family matter. Naghiwalay kami ng mister ko dahil wala kaming anak sa halos limang taon naming pagsasama.
Sa ngayon, may kinakasama na siyang ibang babae at mukhang masaya naman sila.
Balak ko namang mag-abroad, inaayos ko na ang mga papeles ko at plano kong makahanap ng lalaking mamahalin ako at makakasama ko habambuhay.
Sa palagay n’yo, suwerte sa akin ang taong ito para mangibang-bansa? Gayundin, makakapag-asawa, magkakaanak at magkakaroon pa ba ako ng maligaya at panghabambuhay na pamilya?
Kung sakaling makapag-asawa ako, ano’ng zodiac sign niya? May 1, 1986 ang aking birthday.
Umaasa,
Lyn ng Caingin, Malolos City, Bulacan
Sa iyo, Lyn,
Ang mga taong may birth date na 1, tulad mo ay sinusuwerte sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay dahil sila ay may ruling planet na Sun.
Alam naman natin na ang Sun ay hindi planeta kundi isang “bituin”, ngunit siya ang dambuhalang tanglaw sa langit na nagbibigay init, liwanag at enerhiya sa lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa. Ibig sabhin, kapag ‘sunny weather’ ang buhay mo, tulad ng naipaliwanag na, lagi kang tinatanglawan ng Sun.
Sa lahat ng aspeto ng iyong kapalaran, lagi kang susuwertehin at magkakaroon ng magandang kapalaran. At para masiguradong magkaroon ka ng suwerte at magagandang kapalaran kung ikaw ay Sun personality, ang mahalaga lamang ay dapat palagi kang magsuot ng suwerteng kulay na dilaw, gayundin, dapat palagi kang maging masiyahin.
Kapag ang Taong Uno (1) ay palaging nakangiti, tiyak na siya ay magkakaroon ng mas maraming magagandang kapalaran.
Pero kung ang Taong Uno ay palaging nakasimangot, masungit at bihirang tumawa, asahan mo na bagama’t siya ay magtatamo rin ng magandang kapalaran, kaunti lang kung ikukumpara sa mga iba pang Taong Uno na tulad niya, na may positibong disposisyon sa buhay.
Kaya ngayon pa lang, simulan mo nang magsuot ng kulay na dilaw at maging masayahin ka, habang nag-a-apply ka sa abroad at naghahanap ng lalaking mamahalin habambuhay.
Samantala, ayon sa Travel Calendar, kapansin-pansin na umangat nang husto ang graph ng paglalakbay ngayong 2023 hanggang 2024, sa buwan ng Mayo hanggang Hunyo. Sa nasabing panahon at sa edad mong 37 pataas, tiyak ang mabungang pangingibang-bansa na itatala sa iyong kapalaran.
Habang, ayon sa iyong Love Calendar, matapos dumausdos ang graph ng pag-ibig noong mga nakaraang taon nang naghiwalay kayo ni mister, agad naman itong makakarekober at muling aangat nang dahan-dahan sa taong 2024 hanggang 2025.
Ibig sabihin, sa taong nabanggit at sa edad mong 38 pataas, habang nasa ibayong-dagat ka, isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Virgo ang iyong makikilala, kung saan ikaw ay “Sun personality,” ang nasabing lalaki naman ay “Moon personality”.
Sa inyong pagtatagpo, sa Oktubre hanggang Disyembre 2024, isang masaya at nakakakilig na suyuan ang mabubuo. na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.




Comments