Magaganda at mabangong bulaklak, pahiwatig na matutupad ang mga pangarap
- BULGAR
- Jul 23, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 23, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Tiffany ng Bulacan.
Dear Maestra,
Isa akong Gen Z, in short, teenager na ako, pero medyo isip bata pa rin. Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko.
Napanaginipan kong nakatayo ako sa gitna ng napakaganda, makapigil hininga at malawak na garden. Parang paraiso ito sa ganda, maraming bulaklak sa paligid at ambango-bango ng mga ito. May mga bata na nag-aawitan at parang mga anghel ang boses nila, tapos nakatanaw sila sa akin at tuwang-tuwa naman ako. Pakiramdam ko, ako ang prinsesa ng mga bulaklak sa hardin na ‘yun. Buong pagmamalaki kong ipinakilala ang aking sarili sa mga batang umaawit. Sabi ko, “I’m the Flower Princess of this garden of paradise,” tapos umawit ako nang paulit-ulit ng “I am the Flower Princess”. Ang saya-saya ko habang umaawit, ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Tiffany
Sa iyo, Tiffany,
Ang panaginip mo na ikaw ay nakatayo sa garden at masayang umaawit ay nagpapahiwatig na maraming ideya ang nasa iyong isip na makakapagpaligaya sa mga taong nakapaligid sa iyo, lalo na sa pamilya at mga kaibigan mo. Kapag ito ay naisakatuparan mo na, magdudulot ito ng ibayong kaligayahan sa puso mo. Magkakamit ka rin ng mga biyaya at pagpapala kung saan hahangaan at kikilalanin ka sa lugar ninyo. Pararangalan ka rin sa mga nagawa mo tungo sa pag-unlad ng inyong lugar.
Habang ang mga batang nag-aawitan na parang anghel ay nangangahulugan na maliligtas ka sa anumang panganib o kapahamakan.
Ang mga bulaklak sa panaginip mo ay nagpapahiwatig na makakamit mo ang lahat ng iyong minimithi sa buhay at ikaw din ay magkakaroon ng magandang kalusugan ng pangangatawan at maging sa puso at isipan. Susuwertehin ka rin sa pag-ibig dahil parating na ang prince charming na pinapangarap mo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments