Mag-ingat sa mga pekeng trabaho online
- BULGAR

- Jan 7, 2021
- 1 min read
Updated: Jan 8, 2021
@Editorial | January 7, 2021
Sa kabila ng pagsisikap ng ating mga kababayan na makahanap ng mapagkakakitaan o trabaho, mayroon namang mga walang magawa sa buhay kundi ang manloko.
Tulad ng mga kaso ng pekeng trabaho na ipino-post sa social media. Tulad ng reklamo sa isang kumpanyang nagpakilalang legit. Nanghikayat umano ito sa Facebook ng mga sasali sa kanilang kumpanya at nag-a-assign ng job positions o trabaho sa pamamagitan ng voluntary o commission basis — executives, managers at graphic artists.
Ang siste, hindi umano binabayaran nang tama ang mga tauhan nito. Sa pakikipag-ugnayan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI), lumalabas na hindi pala rehistradong negosyo ang nasabing kumpanya. Hindi rin umano rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC).
At malamang, hindi lang isang kumpanya ang gumagawa ng ganitong kalokohan. Talagang sinasamantala nila ang pagkakataon na marami ang nangangailangan ng trabaho.
Kaya nagpaalala na rin ang mga ahensiya ng gobyerno sa publiko laban sa mga Facebook page na nag-aalok ng mga pera o trabaho. Ugaliin munang berepikahin ang registration ng mga kumpanya bago makipagtransaksiyon o magbigay ng mahahalagang impormasyon.
At dito naman sa mga pasaway, nakakahiya naman na mga inosenteng naghahanap lang ng mapagkakakitaan ang mag-a-adjust sa inyong kawalanghiyaan, tablan naman kayo! Lumaban naman kayo nang patas. Pare-pareho tayong apektado ng pandemya pero, huwag n’yo namang gamiting dahilan ang kahirapan para manloko!



Comments