top of page

Mag-dyowang scorpio at taurus, super-compatible kaya tuloy ang planong kasal sa 2022

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 12, 2021
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| March 12, 2021



Dear Maestro,


Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung makapag-aasawa pa ako at ano ang aking masuwerteng kulay, petsa at kung kailan ako makapag-aasawa? May boyfriend ako ngayon, kaso nasa abroad siya dahil isa siyang seaman. Siya na ba ang makakatuluyan ko?


Kung sakaling magpapakasal na kami, ano naman ang bagay o masuwerteng motif sa aming kasal at puwede bang magpakasal sa susunod na taong 2022? May 9, 1989 ang birthday ng boyfriend ko at November 14, 1991 naman ang birthday ko.


Umaasa,

Rose ng Taal, Bocaue, Bulacan


Dear Rose,


Tunay ngang compatible ang zodiac sign mong Scorpio sa zodiac sign na Taurus ng boyfriend mo kung saan ayon sa Oriental Astrology, ang Taurus na may elementong earth o lupa ay sadyang tugma at tunay namang compatible at suwetong isama sa isang Scorpio na nagtataglay naman ng elementong water o tubig.


Kung saan, tulad ng nasabi na, ang tubig at lupa ay sadyang tugma at compatible sa isa’t isa dahil ang tigang na lupa ay nangangailangan ng tubig upang tubuan ng mga damo at masaganang pananim na nagbibigay naman ng luntiang kulay at kasaganaan sa kapaligiran.


Gayundin, sa Numerology, ang birth date mong 14 o 5 (1+4=5) ay sadyang tugma rin sa birth date na 9 ng boyfriend mo, kung saan sa statistical na pagtaya, maraming isinilang sa petsang 5, 14 at 23, ay nakatuluyan silang mga isinilang sa petsang 9, 18 at 27.


Ibig sabihin, kahit na nasa abroad ang boyfriend mo bilang isang seaman, dahil tugma at compatible kayo, malaki ang posibilidad na sa bandang huli, kayo na ang magkakatuluyan at magsasama sa pagbuo ng isang simple at maligayang pamilya, na ayon sa inyong Love Calendar ay nakatakda at posibleng mangyari sa taong 2022 sa buwan ng Hunyo o Hulyo sa edad mong 31 pataas at 33 naman ang boyfriend mo.


Mapalad naman ang mga Scorpio at Taurus sa motif na pula o berde sa araw ng kasal at puwede ring gamitin ang nasabing mga kulay bilang opisyal na kulay sa loob at labas ng inyong bahay upang mapanatili ang isang masagana at maligayang relasyon habambuhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page