Mag-dyowang parehong singko ang birth date, yayaman sa negosyo o pag-a-abroad kahit ‘di compatible
- BULGAR
- Jun 27, 2021
- 2 min read
sa zodiac sign
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 27, 2021
Dear Maestro,
Dati na akong nakapag-Japan at gusto kong makabalik doon, pero dalawang beses na akong nag-attempt kaso palagi akong hindi natutuloy sa iba’t ibang kadahilanan. Dapat ko pa bang ituloy ang pag-a-apply ko sa ikatlong pagkakataon o mas mabuting sundin ko nalang ang payo sa akin ng boyfriend ko na magpakasal at bumuo na lang kami ng sarili naming pamilya? Tutal naman daw, mayroon siyang regular na trabaho at kaya na niya kaming buhayin ng magiging anak namin kung sakaling magpapakasal at magsasama na kami.
Nagdalawang-isip ako sa kanya dahil sabi n’yo, hindi compatible ang Virgo at Aquarius, September 5, 1997 ang birthday ko habang February 14, 1994 naman ang boyfriend ko.
Umaasa,
Ms. Virgo ng San Jose, Morong, Rizal
Dear Ms. Virgo,
Hindi kayo compatible ng boyfriend mo sa Astrology dahil ang zodiac sign mong Virgo ay under ng elementong earth o lupa, habang ang zodiac sign na Aquarius ng boyfriend mo ay nasa ilalim naman ng kapangyarihan ng elementong air o hangin, at alam naman nating lahat na sa sandaling “hipan ng hangin ang lupa”, ano ang mangyayari? Eh ‘di wala lang! Gayundin, sa sandaling tabunan ng lupa ang hangin, ano ang mangyayari, hindi ba’t wala rin? Ito ang dahilan kaya hindi kayo compatible, subalit ang hindi mo napapansin, kapwa kayo nagtataglay ng numerong 5 dahil ang birth date mong 5 ay singko, habang ang birth date na 14 ng boyfriend mo ay ganundin, dahil ang 14 ay 1+4=5.
Ibig sabihin, sa Numerology na pag-aanalisa, compatible kayo at sa totoo lang, kapag kayo ang nagsama, tiyak na kayo ay yayaman at hindi lang basta yayaman dahil mayamang-mayaman pa. Ito ay dahil sa walang kapagurang pagnenegosyo o walang habas na pangingibang-bansa.
Kaya kung palaging bigo ang pagtatangka mong mag-abroad, puwede ring boyfriend mo ang iyong pag-apply-in sa abroad dahil tulad ng nasabi na, basta ang dalawang Taong Singko ay nagsama at nagmahalan, nagkasundo at nagkaunawaan, tuluy-tuloy na magaganap ang pagyaman— maaaring sa pamamagitan ng pagnenegosyo o pangingibang-bansa ang kabuhayan.
Kaya naman ‘wag mo nang pakawalan pa ang boyfriend mong may birth date na 14 o 5. Puwede ka nang magpakasal sa kanya at kapag naipasya mo na ang bagay na nabanggit at naging mag-asawa na kayo, sa halip na ipagpatuloy mo ang pag-a-apply sa Japan, subukan mong magnegosyo. Halimbawa ay tindahan, grocery, sari-sari store, dealer ng mga lusaw na bagay o pagro-rolling ng mga paninda at puwede rin ang bigas at iba pang produktong butil, tiyak ang magaganap pagsapit ng taong 2029. Sa edad mong 32 pataas at 35 naman ang iyong partner, magsisimulang umunlad nang umunlad ang inyong kabuhayan, hanggang sa tuluy-tuloy na kayong yumaman.




Comments