Mag-dyowa, dapat sabay tumaya sa lotto para manalo
- BULGAR
- Jul 22, 2023
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | July 22, 2023
Dear Maestro,
Gustung-gusto na ng girlfriend ko na kami ay ikasal, matagal na kaming magdyowa at parang mag-asawa na kung titingnan, sadyang kasal na lang talaga ang kulang.
Ang problema ay wala pa akong magandang trabaho ngayon, sa factory lang ako nagtatrabaho at maliit lang ang aking sinusuweldo.
Ang girlfriend ko naman ay kasamahan ko rin dito sa factory kaya halos pareho lang kami ng sinusuweldo at hindi gaanong nakakapag-ipon. Pero ngayon ay nagsisikap kaming makapag-ipon para sa aming kasal, kaya lang ay baka matagalan pa ito.
Sa pamamagitan ng kolumn n’yo, sana tumama ako sa lotto para maikasal na kami at makabili kahit paano ng bahay at lupa, at kung may matitira pa, ipangpupuhunan namin para kami ay makapagpatayo ng sariling negosyo.
January 15, 1995 ang birthday ng girlfriend ko habang May 5, 1994 naman ang birthday ko.
Umaasa, Rommel ng Silangan, Rosario, Cavite
Dear Rommel,
Sadyang tugma at compatible kayo ng girlfriend mo dahil ang zodiac sign mong Taurus ay sakto sa zodiac sign na Capricorn ng girlfriend mo dahil ang Capricorn at Taurus ay kapwa pinangingibabawan ng elementong earth o lupa.
Samantala ang birth date n’yong nagkataong pareho ring 6, dahil ang 15 na birth date mo ay kinokompyut ng ganito 1+5=6 ay nagsasabing nagmamahalan talaga kayo, dahil ang numerong nabanggit ay numero ng pag-ibig.
Nangyaring numero ng pag-ibig ang 15 o 6, dahil ito ang numero ng planetang Venus ay alam naman nating lahat na sa Mitolohiyang Romano, ang planetang Venus ay siya ring “diyosa ng pag-ibig at kagandahan!”
Tunay ngang hindi lang diyosa ng pag-ibig si Venus, bagkus, siya rin ang dyosa ng kamunduhan, romantikong relasyon at lahat ng bagay na may kaugnayan sa sex at pagmamahalan.
Kung halimbawang nagtatalik na kayo sa ngayon gayung hindi pa kayo kasal, ang magbibigay sa inyo ng suwerte ay ganito, bago kayo magtalik o pagtapos n'yo magtalik ay tumaya kayo sa lotto.
Kailangang sabay kayong pupunta sa lotto outlet, upang ang enerhiya ng sex at love ang siyang sumagap o humigop ng suwerte na magbibigay sa inyo ng dambuhalang panalo.
Lalo na kung kapwa kayo satisfied, ‘yun ang indikasyon na tiyak na may malaking suwerte ang darating sa inyo.
Iyan ang lagi n'yong gawin, halimbawa, galing kayo sa date o bago kayo mag-date, tumaya kayo ng lotto. Huwag na huwag kang tataya kapag hindi mo kasama ang iyong nobya, dahil tiyak na hindi ka tatama. Ganundin siya, hindi siya dapat tumaya sa lotto ng hindi ka kasama, dahil tulad ng naipaliwanag na sa itaas, mapalad ang inyong numero habang puno ng pag-ibig, sweetness at pagmamahalan ang inyong relasyon. At dahil dito, ‘wag kayong tataya o makikipagsapalaran kapag magkagalit o may tampuhan kayo sa isa’t isa dahil hindi rin kayo tatama kapag ganoong ang sitwasyon.
Bukod sa numerong 24 at 15, maaari n'yo ring isama ang iba pang numero ng pag-ibig at pagmamahalan, tulad ng 6, 33 at 42, at iba pang numero na may sumatotal na 6, 3, at 9, puwede ring isali sa numerong tatayaan ang edad n'yong dalawa, 27, 28 at 28.
Sa madaling sabi ang numerong magpapatama sa inyo ay ang kumbinasyong 6-12-14-15-24-25, gayundin ang 6, 15, 18, 24, 30, at 42. Puwede rin ang 3, 6, 27. 28, 29, 45.
Bago tumaya o bago makipagsapalaran sa anumang uri ng number games, maghanap muna kayo ng isang namamalimos o kaya’y isang taong-grasa na kakalat-kalat sa kalsada, abutan n'yo siya ng barya o kaya’y ibili n'yo siya ng pagkain sa Jollibee. Sa ganyang paraan, "direktang expresyon ng pag-ibig sa kapwa" tatama kayo ng malaking halaga. At sa sandaling tumama kayo, sa taong ito o kaya’y 2024 at puwedeng-puwede na kayong magpakasal sa susunod na taong 2024 o kaya’y sa taong 2025. Tandaan din namang kapag tumama ng jackpot huwag kalilimutang balatuhan ang mga taong tumulong sa inyo, partikular ang mga kamag-anak mo sa inyong probinsya, mga kasamahan mo sa trabaho at mag-donate sa kinabibilangan mong simbahan, upang patuloy kayong suwertehin at pagpapalain ng Poong Maykapal.
Comments