Mag-asawang taong tres at nueve, magkakatuluyan kahit naghiwalay
- BULGAR
- Dec 24, 2021
- 1 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 24, 2021
Dear Maestro,
Isinilang ako noong October 12, 1983 at kasalukuyang hiwalay sa asawa. Nagtrabaho kasi ako sa Saudi, at habang nandu’n ako, nanlalaki pala ang misis ko. Gusto kong malaman kung magkakabalikan pa ba kami? Ang balita ko ngayon ay nagsasama na sila ng kalaguyo niya. January 27, 1980 ang birthday ng misis ko.
Umaasa,
Damar ng Parada, Valenzuela City
Dear Damar,
Ayon sa zodiac sign mong Libra at Aquarius naman ang misis mo, sadyang compatible kayo dahil ang Libra at Aquarius ay kapwa nagtataglay ng elementong air o hangin.
Dahil kapwa kayo air type sign, sobrang laki pa ng pag-asa na kayo ay magkabalikan upang muling mabuo ang inyong pamilya.
Ang pag-aanalisang malaki ang tsansa na kayo ay magkabalikan ay madali namang kinumpirma at pinatunayan ng birth date mong 12 o 3 (ang 12 ay 1+2=3) at 27 o 9 (ang 27 ay 2+7=9) naman ang misis mo, kung saan ang numerong 3 at 9 ay sadyang compatible rin sa isa’t isa, dahil sila ang pasok sa grupo ng numerong series of 3-6-9.
Ibig sabihin, kung sakali mang may kinakasama na ang misis mo ngayon at nagkataong hindi naman sila compatible ng lalaking sinamahan niya, tiyak na darating ang panahong maghihiwalay din sila, upang muling magbalik sa iyo ang misis mo at humingi ng kapatawaran.
Sa sandaling nangyari ‘yun, na humingi ng kapatawaran si misis, walang pagdadalawang-isip, patawarin mo siya agad upang muling mabuo ang maligaya at panghabambuhay nang pamilya, na nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2022, sa buwan ng Pebrero sa edad mong 39 pataas.




Comments