Mag-asawang strong number, dapat magpa-under ni mister
- BULGAR
- Oct 2, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 2, 2021
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung compatible kami ng misis ko at kung may pag-asa pa bang guminhawa ang aming buhay? Kung mayroon pa, sa paanong paraan kami giginhawa? Isa akong security guard at ang misis ko naman ay insurance agent.
Sumubok na rin akong mag-apply sa abroad, subalit dumating ang COVID-19 pandemic, kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakaalis at nag-expire na ang mga papeles ko, samantalang ang aking mga kasamahan ay nakaalis na.
Maestro, sadya bang wala akong suwerte sa pangingibang-bansa, pero kung mayroon, kailan naman kaya? Sa ngayon ay sapat lang sa pangangailangan ng aking pamilya ang aming ginagatos at madalas ay kinakapos pa. Kaya ngayon ay hindi ko na rin malaman kung ano ang dapat gawin para umunlad ang buhay namin at sana ay matulungan n’yo kami. August 28, 1979 ang birthday ko at June 8, 1982 naman ang birthday ng misis ko.
Umaasa,
Mr. Virgo ng Calumpang, Binangonan, Rizal
Dear Mr. Virgo,
Bagama’t kapwa kayo nagtataglay ng strong number ng misis mo, strong number kasi ang birth date mong 28 na may sumatotal na 1 (ang 28 ay 2+8=10/ 1+0=1) at birth date ng misis mo na 8, kaya sinasabing magka-compatible kayo.
Ang kailangan lang, may isang magpakumbaba o magpa-under sa kagustuhan ng isang panig. At sa kaso ninyong mag-asawa, ikaw na may birth date na 28 ang dapat magpasakop sa iyong asawa at kapag nagawa mo ‘yan, unti-unti na kayong uunlad at habambuhay na magiging maligaya.
At tulad ng nasabi na, tunay ngang sa Numerology ay sinasabing compatible rin ang parehong strong number — basta’t kailangan ay may magpa-under o magpakumbaba, at hindi dapat palaging nagpapagalingan ang nasabing mag-asawa— yumayaman din sila sa pagtuntong ng edad na 45 pataas.
Samantala, sa Astrology ay compatible rin kayo ng iyong misis dahil ang zodiac sign mong Virgo ay under ng planetang Mercury, habang ang Gemini na zodiac sign ni misis ay nagkataong Mercury din ang ruling planet. Ibig sabihin, dalawang bagay lang ang ikayayaman ng inyong pamilya, kung hindi sa pag-a-abroad, tiyak na ito ay sa pagnenegosyo.
Bukod sa kulay na dilaw at berde, mapalad din kayo sa mga kulay na gray, puti at silver. Ang alahas na silver at iba pang kasangkapang silver, lalo na’t medyo luma o antigo na ang kusang hihigop ng magagandang kapalaran habang ito ay inyong ginagamit. Bukod sa silver, maganda ring pandispley para sa inyong mag-asawa ang pendulum o dalawang nakabalanseng bakal na kapag nasaling ay walang tigil sa pag-ikot at pagkilos.
Suwerte sa inyo ang pandispley na nabanggit, lalo na kung ang kanyang yari o kulay stainless, aluminum, o powder blue o metallic blue. Sa nasabing pandispley, tulad ng nasabi na, tuluy-tuloy na hihigupin nito sa inyong tahanan ang magaganda at hitik na suwerteng kapalaran.
Kaya, Mr. Virgo, upang umunlad ang buhay, anuman ang plano ni misis sa inyong kabuhayan, sumunod ka lang nang sumunod upang pagsapit ng taong 2024, sa edad mong 45 pataas at 42 naman si misis, magsisimula na kayong umunlad nang umunlad hanggang sa tuluyang yumaman.




Comments