top of page
Search
  • BULGAR

Mag-asawang otso at singko, yayaman kung mag-a-abroad ang isa

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | Abril 12, 2024


Dear Maestro,


Nagtataka ako sa aking kapalaran. Masipag naman ako sa buhay, ngunit mula pagkabata ay ganu’n pa rin, hindi ako makaahun-ahon sa kahirapan. 


Sa ngayon, may tatlo na akong anak at hanggang ngayon ay naghihirap pa rin ako. Sa katunayan, tadtad kami ng mga utang at ‘di ko na malaman kung paano ko pa bubuhayin ang mga bata. 


Dati akong kasambahay at labandera, pero mula nang magkasakit ako, tumigil din ako. Sa ngayon, magaling na ako at balak ko na muling pumasok bilang kasambahay, ang kaso wala namang mapag-iiwanan sa mga bata. Sa ganitong kalagayan ng aming buhay may pag-asa pa kaya kaming umunlad?  


Ang birthday ng mister ko ay July 5, 1984 habang November 17, 1989 naman ang birthday ko.

 

Umaasa,

Angel ng Guyong, Santa Maria, Bulacan  

 

Dear Angel,


Tulad ng madalas nating sabihin, ganyan talaga ang buhay ng mga taong naiimpluwensiyahan ng numerong 8, 17 at 26 — maghihirap muna, bago tuluyan at lubusang umunlad, sapagkat ang kanilang ruling planet ay Saturno.


Ang planeta kasing Saturno ay may bitbit na mga pagsubok at problema sa buhay ng isang tao na kapag ito ay pumasok sa “birth chart”, at tulad ng nangyayari sa iyo sa kasalukuyan, Angel, namamayagpag pa rin ang impluwensiya ng planetang Saturn sa iyong buhay at hindi pa rin siya umaalis sa iyong “birth chart” kaya patuloy kang naghihirap.


Gayunman, kung gagamit ka ng kulay berde, dahil ang berde ang suwerte mong kulay, mag-display ka ng aquarium sa sala ng inyong bahay na may 9 na isda. Ang dapat na kombinasyon ay 8 na pulang isda at isang itim o vice versa. Sa ganyang paraan, mas madaling masasagap ng inyong tahanan ang suwerte at magandang kapalaran. 


Habang ayon naman sa birth date na 5 ng mister mo sa zodiac sign na Cancer, sa pangingibang-bansa siya aasenso, kaya dapat simulan niya nang mag-apply sa abroad.


Dahil ayon sa kanyang Travel Calendar, sa last quarter ng taong 2024, pinakamatagal na sa first quarter ng 2025, tiyak ang magaganap. May pangingibang-bansa ang itatala sa kapalaran ni mister, habang kapag nasa ibang bansa na siya, simulan mo namang magnegosyo sa harap ng inyong bahay. Kapag napalaki mo ang sari-sari store na ito, sa pampublikong pamilihan ka naman kumuha ng puwesto at sa ganyang paraan o diskarte, tiyak na habang lumalaki ang inyong mga anak, tuluy-tuloy namang uunlad ang inyong buhay hanggang sa ganap na umasenso at yumaman, na siya rin namang nakatakda sa inyong kapalaran dahil kapwa kayo nagtataglay ng mayaman at umuunlad na numerong singko (5) at otso (8). 


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page