top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png

Mag-asawang laging kapos, sa taong 2024 makakaahon sa kahirapan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 16, 2023
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | July 16, 2023



Dear Maestro,


Sobrang hirap ng aming buhay ngayon at hindi ko na alam kung kailan kami giginhawa at makakaahon sa kahirapan.


Mayroon kaming tindahan pero napakahina ng benta. Ang asawa ko naman ay maliit lang ang kinikita sa pang-araw-araw, isa siyang tricycle driver. Minsan kapag wala na kaming mautangan 'di na kami kumakain.


Gusto kong humingi ng tulong kung paano kami aasenso at ano ang masuwerteng kulay, araw at taon para sa amin?


Ang birthday ko ay April 15, 1989 habang ang mister ko naman ay April 6, 1988. Sa pagkakaalam ko pareho kaming may birth date na 6, at zodiac sign na Aries. Tama ba, Maestro?


Masaya naman ang aming pagsasama at bihira lang kung kami ay mag-away, ang tanging problema lang ay lagi kaming walang pera. Kaya sana matulungan n'yo kami upang umunlad ang aming pamilya.

Umaasa,

Sophia ng Lagundi, Morong Rizal

Dear Sophia,


Ayon sa pagsusuri sa Numerology tunay ngang parehung-pareho kayo ng mister mo na may birth date na 6, dahil ang birth date mong 15 ay 1+5=6 at nagkataon ding pareho kayo ng zodiac sign na Aries na nagtataglay ng planetang Mars. Ang planetang Mars ay ang ruling planet ng mga isinilang sa zodiac sign na Aries, na nangangahulugang pula ang pinakamasuwerte n'yong kulay, dahil pula ang kulay ng planetang Mars at maaari ring pink, maroon, lilac at lavender.


Kaya ang unang solusyon upang umunlad ang inyong kabuhayan, at makaahon kayo sa kahirapan, lagi kayong magsuot at gumamit ng kulay pula simula ngayon. Puwede rin kayong magsuot ng mga bato na kulay pula kahit na anong uri ng bato na ipapalamuti sa silver na singsing.


Ang ikalawang solusyon upang umunlad ay ang pagkain. Dahil ang birth date n'yo ay parehong 6, na ang ruling planet ng numerong 6 ay Venus, iminumungkahing masasarap na pagkain ang dapat ihalo sa inyong paninda.


Kung hindi man pagkain, puwede na rin ang masasarap at malinamnam na tinapay at iba pang tsitsirya. Basta ang keyword, masasarap, at malinamnam na pagkain ang mga produktong magpapaunlad sa inyong mag-asawa. Gayundin ang lahat ng makukulay na produkto o kalakal na kaakit-akit tingnan, kaakit-akit ang kulay at kaakit-akit ang lasa.


Dagdag dito, ang ikatlong solusyon upang umunlad at lalo pang sumagana ang inyong kabuhayan, kung may bakanteng lote sa harap ng inyong bahay, magtanim kayo ng mga bulaklaking halaman. Basta ang keyword, pagandahin at gawin n'yong romantic at kaaya-ayang tingnan ang inyong bakuran at kapaligiran upang mabuhay ang inyong libido na magdadala ng pag-unlad, ligaya at kasaganaan habang kayo ay patuloy na nagsasama at nagmamahalan.


Samantala, ang ikaapat na solusyon upang kayo'y sumagana kailangan may pintura ang inyong bahay, 'yun bang kahit na maliit, kailangan din malinis at maganda itong tingnan. Maaliwalas na kapaligiran upang mabuhay ang inyong aura na siya sasagap ng mas marami pang magandang kapalaran.


Ang ikalimang solusyon panatilihin mo ang ikatlong lagda, pero simulan mo sa sign na dollar "$" ang letrang “S”. Sa ganyang lagda, magsisimula na kayong umunlad at yumaman.


Habang ang ika-anim at panghuling solusyon upang umunlad at makaahon sa kahirapan, tulad ng kasalukuyang nangyayari, huwag kayong mag-away, lagi kayong magmahalan, dahil dapat din namang tandaang si Venus ay siya ring diyosa ng pag-ibig at kagandahan sa Mitolohiyang Romano, kaya 'pag puno ng pag-ibig ang tahanan at maganda ang inyong kapaligiran kusang maaakit ang magagandang kapalaran, lagi na kayong susuwertehin, at magiging maligaya habambuhay.


Habang ayon sa Decadens ng Kapalaran, Sophia, basta't sinunod n'yo ang mga simpleng rekomendasyong binanggit sa itaas, tiyak ang magaganap sa taong 2024, sa edad mong 35 pataas, magsisimula ng makaahon ang inyong pamilya sa kahirapan hanggang sa tuluyan na kayong yumaman.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page