Mag-asawa, todas sa Bagyong Obet
- BULGAR
- Oct 22, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | October 22, 2022

Isang mag-asawa ang nasawi matapos ang pananalasa ng Bagyong Obet sa lalawigan ng Cagayan.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima na sina Rene Candinato, 55, at misis nitong si Nessy, 54, kapwa mangingisda at naninirahan sa Barangay Centro, Abulug.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Cagayan head na si Ruelie Rapsing, naglayag ang mag-asawa sa dagat sa kabila ng iniulat na sama ng panahon nitong Huwebes, Oktubre 20.
“Umalis alas-4 ng madaling-araw. Talagang hindi sila mabantayan at that time, madilim pa, hindi sila makita. Na-report ito dahil hindi na [sila] nakabalik,” pahayag ni Rapsing.
Anang opisyal, unang natagpuan ang katawan ni Rene malapit sa dalampasigan ng Barangay Masisit, sa bayan ng Sanchez Mira, umaga ng Biyernes, Oktubre 21.
Kasunod na nakita ang katawan ni Nessy malapit naman sa baybayin ng Barangay Tokitok, sa Sanchez Mira din.
Dinala pa sa Northern Cagayan District Hospital ang mga labi ng mag-asawa habang sinuri ang mga ito ng doktor at nabatid na namatay sa pagkalunod ang mga biktima.
“It could be [nag-capsize ‘yung boat nila] kasi na-drown sila. Hindi na natagpuan ang bangka. The Abulug MDRRMC (Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council) declared them na related sa tropical depression Obet ‘yung kanilang case,” saad ni Rapsing.
Samantala, nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Depression Obet habang dahan-dahan itong kumikilos pakanluran, ayon sa PAGASA ngayong Sabado.
Batay sa state weather bureau, alas-4:30 ng hapon, nag-exit na sa PAR si ‘Obet’, kung saan alas-4:00 ng hapon namataan sa layong 260 kilometro kanluran ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 45 kilometro kada oras malapit sa sentro at gustiness na aabot hanggang 55 km/h.




Comments