top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Mag-amang Duterte, laban-bawi sa mga pramis noong kampanya

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 31, 2023
2 min read

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | March 31, 2023


‘PINAS, ‘DI UMAASENSO, LALONG NALULUBOG SA UTANG—Isinapubliko ng Bureau of Treasury (BOT) na noong Pebrero lamang ay pumalo sa P13.75 trillion ang utang ng Pilipinas sa mga financial institution sa mundo.


Ang utang na iniwan ng administrasyong Duterte sa Marcos administration ay P12.79-T, at dahil ang utang ngayon ng Pilipinas ay P13.75-T, nangangahulugan ito na ang gobyernong Marcos ay nakapangutang na ng P960 billion o halos P1 trilyon.


Ang paglobo ng utang ng Pilipinas ay nagpapatunay na hindi umaasenso ang bansa dahil hindi ito nababawasan, sa halip ay nababaon nang husto sa utang ang ‘Pinas. Tsk!


◘◘◘


FAKE NEWS ANG KUMALAT SA SOCMED NA BABAYARAN NG MARCOS ADMIN ANG UTANG NG ‘PINAS DAHIL GINAYA NA NI P-BBM SI DIGONG NA PANAY UTANG—Ang isa sa propagandang ipinakalat ng mga loyalists at Duterte Diehard Supporters (DDS) vloggers sa social media noong panahon ng kampanya sa Presidential Election ay ‘pag si Bongbong Marcos (BBM) ang naging presidente, mababayaran ang lahat ng utang ng Pilipinas.


Marahil, ngayon lang napagtanto ng netizens na fake news pala ang ipinakalat sa social media ng mga loyalists at DDS vloggers. Sa halip kasi na bayaran, ang ginagawa ngayon ni P-BBM ay ginagaya si ex-P-Duterte, na utang nang utang sa mga financial institution sa mundo. Boom!


◘◘◘


LABAN-BAWI ANG STATEMENT NG MAG-AMANG DUTERTE—Noong kampanya sa 2016 Presidential Election, ipinangako ng noo’y Presidential Candidate ‘Digong’ Duterte na sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, kayang-kaya niyang wakasan ang illegal drugs sa Pilipinas. Pero noong Agosto 2018, sinabi ni ex-P-Duterte na hindi matatapos ang problema sa droga sa bansa sa ilalim ng kanyang termino.


Samantala, sa budget deliberation sa Senado noong Setyembre 28, 2022, sinabi ni Vice Pres., Department of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio na bigyan lang daw siya ng P100 billion, kayang-kaya niyang lutasin ang lahat ng problema sa basic education ng Pilipinas. Kapag sinabing lahat, ibig sabihin ay sosolusyonan din niya ang kakapusan ng guro sa mga paaralan, pero noong Marso 27, 2023, mismong sa bibig niya nagmula ang salitang imposible ang hirit ng ACT Teacher Partylist na makapag-hire ng 30K guro ang DepEd.


‘Yan ang mag-amang ex-P-Duterte at VP Sara, mahilig sa statement na laban-bawi. He-he-he!


◘◘◘


KUNG ANG MARCOS ADMIN MAY ‘BALLS’, ANG DUTERTE ADMIN AY ‘WA’ BALLS’ VS. CHINA—Noong Marso 21, 2023, buong tapang na itinaboy ng tropa ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakalulan sa BRP Malapascua ang Chinese militia vessel na karagatang sakop ng Pag-asa Island at Ayungin Shoal.


‘Yan ang Marcos administration, may ‘balls’ na harapin at itaboy ang Chinese militia vessel, hindi tulad ng Duterte administration na ‘wa’ balls,’ binu-bully at hina-harass na noon ang mga mangingisdang Pinoy sa dagat ng Pilipinas, pero dedma lang ang Digong gov’t. Boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page