Madlang pipol, mas takot na makurakot ang kaban ng bayan kaysa tamaan ng COVID-19
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 15, 2023
SURVEY NG PULSE ASIA, PABOR KAY VP SARA, ‘DI PABOR KAY P-BBM—Pabor kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, at hindi naman pabor kay Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ang inilabas na survey ng Pulse Asia tungkol sa kanilang dalawa.
Sa survey kasi, binigyan ng Pulse Asia ng mas mataas na rating si VP Sara kaysa kay P-BBM.
Ang approval rating kay VP Sara ay 83%, habang kay P-BBM ay 78% lang, at ang trust rating kay VP Duterte ay 85%, at sa Pangulo ay 80% lang.
Kaya natin nasabing pabor kay VP Sara ang survey na ito, kasi matapos niyang talunin sa rating si P-BBM, aba, may atake pa ang Pulse Asia laban sa Marcos administration dahil 52% o majority ng Pinoy daw ang dismayado sa administrasyon dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, period!
◘◘◘
‘WAG NAMAN SANANG KURAKUTIN ANG P43-B PANG-HEALTH INSURANCE NG MGA LOLO’T LOLA—Nagbigay ang Department of Budget and Management (DBM) ng P43 billion sa PhilHealth para sa health insurance ng mga senior citizens sa bansa.
Ang laking halaga niyan, at sana ay hindi sa bulsa ng mga kurakot sa PhilHealth mapunta ang P43-B pang-health insurance ng mga lolo’t lola. Tandang-tanda pa kasi ng mamamayan ang nangyari noong Agosto 2020, kung saan sa panahon ng pandemya, kinurakot ng mga buwaya ang higit P15-B PhilHealth funds. Boom!
◘◘◘
MGA PINOY, ‘DI NA TAKOT SA COVID-19, MAS PINANGANGAMBAHAN ANG PANGUNGURAKOT NA GAGAWIN SA KABAN NG BAYAN—Nangamba ang publiko sa inanunsyo ng Department of Health (DOH) na dumarami na naman ang tinatamaan ng COVID-19 sa ‘Pinas.
Hindi nangamba ang publiko sa takot na tamaan ng sakit kasi sa totoo lang ay hindi na natatakot ang mga tao, bagkus, dedma na sa COVID-19. Ang pinangangambahan ng mamamayan ay baka may mangurakot na naman sa kaban ng bayan. Hanggang ngayon, hindi pa limot ng taumbayan ang ginawa ng mga alipores ni ex-P-Duterte noong kasagsagan ng pandemya, kung saan habang maraming tinatamaan ng virus, ini-scam ng Procurement Service (PS)-DBM at Pharmally Pharmaceutical ang higit P12 billion na pondo ng DOH at maraming pera rin ng bayan ang kinurakot ng PhilHealth. Buset!
◘◘◘
BANTAG, NAG-TNT NA SA ‘PINAS—Ang sabi noon ni former Bureau of Correction (BuCor) chief Gerald Bantag, handa siyang harapin ang kasong isasampa sa kanya tungkol sa pagpatay kina broadcast-journalist Percy Lapid at presong si Jun Villamor, na kesyo hindi raw siya magtatago para patunayan sa publiko na wala siyang kasalanan.
Ang siste, nang maglabas ng warrant of arrest ang korte laban sa kanya, aba’y hindi na mahagilap si Bantag, nag-TNT o tago nang tago na siya sa ‘Pinas. Tsk!





Comments