Madlang pipol, magdudusa hanggang 2027 dahil sa taas-singil sa tubig
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Enero 30, 2023
DUSA NG MAMAMAYAN SA TAAS-SINGIL SA KONSUMO SA TUBIG HANGGANG YEAR 2027— Inanunsyo ni MWSS (Metropolitan Waterworks and Sewerage System) chief regulator Patrick Ty na hindi lang ngayong January 2023 magaganap ang taas-singil sa konsumo sa tubig ng mamamayan dahil posibleng magkaroon pa ng sunod-sunod na water rate hike hanggang 2027 upang gumanda raw ang serbisyo ng mga water companies sa bansa.
Naku po, parang sinabi na rin ng MWSS na hanggang year 2027 ang dusang aabutin ng mamamayan sa magaganap na sunod-sunod na taas-presyo sa singil sa tubig. Tsk!
◘◘◘
HINDI LANG PERA NG DEPOSITORS NG LBP AT DBP TARGET, PATI ARI-ARIAN NG PHILIPPINE GOV'T. AY IBEBENTA PARA I-PONDO SA INVESTMENT FUND – Hindi lang pala ang pera ng mga depositors ng Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) ang target ng Marcos administration na ipang-pondo sa Makarlika Investment Fund (MIF) dahil ayon kay Finance Sec. Benjamin Diokno, pinag-aaralan na rin ng pamahalaan na magbenta ng mga ari-arian ng Philippine government para pandagdag-pondo sa MIF.
Talagang gigil na gigil ang mga government officials na magkaroon ng bilyon-bilyong pondo ang MIF kasi mantakin n’yo, pati mga ari-arian ng Pilipinas ay pumasok na sa kanilang mga utak na ibenta para ipang-invest. Buset!
◘◘◘
ALYAS ‘PABLO A.’ UTAK NG PAGLAGANAP NG ILLEGAL POGO GAMBLING' SA ‘PINAS— Isang alyas ‘Pablo A.’ raw ang ‘utak’ ng paglaganap ng mga illegal POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) gambling sa Parañaque City at Pasay City.
Isinasangkalan daw ni ‘Pablo A.’ ang mga pangalan ng iba’t ibang opisyal ng pamahalaan kaya nakapag-operate sa dalawang lungsod na ito ang mga illegal POGO gambling.
At ngayong mainit na naman ang isyu tungkol sa mga illegal POGO gambling sa Pilipinas, isa sa mga dapat alamin ng mga senador ay kung sino si alyas ‘Pablo A.’ na nagsisilbing protektor ng mga illegal POGO gamblings na hindi nagbabayad ng tax sa pamahalaan, period!
◘◘◘
MALI ANG AKALA NI ALEX G. NA TAPOS NA ISYUNG CAKE DAHIL SA PASARING NI DINA B., PINUTAKTE NA NAMAN SIYA NG BATIKOS SA SOCIAL MEDIA – Mali ang akala ni Alex Gonzaga na tapos na ang isyu ng pamamahid niya ng cake sa mukha ng waiter noong birthday party niya last January 16. Sa birthday party kasi ni veteran actress Dina Bonnevie noong nakalipas na January 27, ang waiter na may hawak sa cake ay pinakain niya ng cake, at sinabi ng beteranang artista na ang cake ay kinakain at hindi ipinapahid sa mukha ng sinuman.
Dahil sa pasaring ni Dina, pinutakte na naman nang batikos sa social media si Alex Gonzaga. He-he-he!





Comments