top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Mabilis na pagkalat ng hand, foot and mouth disease, bantayan!

  • BULGAR
  • Nov 30, 2022
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 30, 2022


Sa loob lamang nang 10-araw, nasa 541 kaso ng hand, foot, and mouth disease (HFMD) ang naiulat sa lalawigan ng Albay.


Ito ay base sa ulat ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit sa Department of Health (DOH), kung saan ang naturang mga kaso ay nangyari mula Nobyembre 15 hanggang 25 lamang at patuloy na kumakalat.


Natukoy ito sa 10 bayan at dalawang siyudad sa probinsya at pinakamaraming kaso sa bayan ng Oas kasunod ang Legazpi City at Guinobatan.


Ayon sa mga opisyal, karamihan sa dinapuan ng HFMD ay mga bata na edad 1 hanggang 10.


Dahil dito, nag-umpisa na ang Provincial Health Office sanitary services unit sa pagdi-disinfect sa mga komunidad para mapigilan ang lalo pang pagkalat at pagkakahawahan ng naturang sakit.


Ayon sa mga eksperto, karamihan sa mga sintomas ay lagnat at pagkakaroon ng rashes.

Inabisuhan ang mga dinapuan ng sakit na manatili muna sa kanilang mga bahay upang maiwasan na maipasa ito sa iba. Kasabay nito, pinaalalahanan din ang publiko na iprayoridad ang sariling kalinisan sa pamamagitan ng palagiang paliligo at paghuhugas ng mga kamay, na siyang pinakamabisang paraan para hindi mahawa ng sakit.


Matatandaang Setyembre nang magkaroon ng HFMD outbreak sa Batangas, kung saan karamihan sa mga biktima ay pawang menor-de-edad.


Nakalulungkot na habang unti-unti tayong nakakasabay sa pandemya ay umuusbong naman ang panibagong sakit. Ang masaklap pa, karamihan sa tinatamaan ng sakit ay mga bata.


Habang naniniwala tayo na malaking banta ang HFMD sa kaligtasan, batid nating may ginagawa ang mga kinauukulan.


Bukod sa pagdi-disinfect ng mga komunidad, sana’y nababantayan din nang mabuti ang mga tinamaan ng sakit, lalo na ang mabilis na hawahan.


Sa panahon ngayon, dapat bantay-sarado ang anumang sakit, lalo na kung mabilis itong makahawa. Gayundin, dapat may mabilis tayong aksyon upang maiwasan ang mas malalang problema.


Batid nating may natutunan tayo mula sa pandemya, kaya sa pagkakataong ito, hindi na tayo dapat parelaks-relaks.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page