top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Mabigat na parusa sa nagpapakalat ng fake news!

BULGAR
Jan 15, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 15, 2023


Matapos dumugin ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang tanggapan sa National Capital Region (NCR) sa Maynila noong Biyernes, nagbigay-babala ang ahensya na iimbestigahan ang insidente.


Napag-alamang ang mga dumagsa nais mag-apply ng Sustainable Livelihood Program (SLP), na pawang mga senior citizen, solo parents at mga estudyante.


Aminado ang DSWD na maging sila ay nagulat sa pagdumog ng mga tao sa kanilang tanggapan upang mag-apply sa ayuda, gayung natalakay na nila na kanselado pa rin ang pamamahagi ng financial assistance at wala ring naka-schedule na parehong aktibidad nang araw na ‘yun.


Kasabay ng paghingi ng paumanhin sa mga tao dahil sa kalituhan, naniniwala ang ahensya na ang pagdagsa sa kanilang tanggapan ay dahil sa pagpapakalat ng misleading information tungkol sa ayuda. Dahil dito, iimbestigahan umano ang mga diumano’y pag-aanunsyo na may distribusyon ng ayuda.


Gayunman, binigyang-linaw ng DSWD na suspendido pa rin ang pamamahagi ng financial assistance dahil inaayos pa ang pondo.


Sa inisyal na imbestigasyon, isang sasakyan ang nagdala ng mga tao sa kanilang tanggapan.


Habang ayon sa isang senior citizen na nakapila sa tanggapan, sinabihan sila ng isang kapitbahay na may ilang nakapag-apply sa programa at makakatanggap sila ng P10,000.

Sa totoo lang, nakakadismaya dahil 2023 na, pero may nabibiktima pa rin ng fake news at may nagpapakalat pa rin nito.


Bukod sa nagdudulot ito ng kalituhan, sayang din ang oras ng ating mga kababayan.


Kaya naman panawagan natin sa mga kinauukulan, patawan ng mabigat na parusa ang mga nagpapakalat ng impormasyon.


Grabeng abala ang dulot nito sa mga ahensya ng gobyerno at maging sa ating mga kababayan, kaya dapat lang silang magtanda at hindi na tularan.


Para naman sa ating mga kababayan, maging matalino tayo at iwasang maging biktima ng maling impormasyon. Tulad ng palagi nating paalala, tiyaking galing sa lehitimong source ang impormasyon at iwasang maniwala agad sa mga nababalitaan.


‘Ika nga, hindi lamang gobyerno ang dapat kumilos dahil bilang mamamayan, may magagawa rin tayo para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page