Mabigat na parusa sa motoristang dadaan sa EDSA bus lane, ipatupad!
ni Ryan Sison - @Boses | November 12, 2022
Muling nagpaalala ang Land Transportation Office (LTO) sa mga pribadong sasakyan at motor na dumadaan sa EDSA.
Binigyang-diin ng LTO na bawal dumaan ang mga pribadong sasakyan at motorsiklo sa EDSA bus lane na eksklusibo para sa mga pampublikong bus, ambulansya at sasakyan ng gobyerno na may emergency.
Ang paalala ay kasunod ng nangyaring paglabag ng pulang sports car na ilegal na pumasok sa bus lane.
Gayundin, kamakailan ay nagsagawa ng operasyon ang LTO sa may Main Avenue-EDSA para manghuli ng mga motoristang dumadaan sa naturang linya.
Sa gitna ng operasyon, mistulang nakikipagpatintero pa umano ang mga motorista sa mga LTO officer. Habang maraming motorista ang nasampolan, wala rin umanong kawala ang mga 4-wheeled vehicles. Gayunman, ayon sa ahensya, may multa na P1,000 kapag lumabag dito.
Sa kasalukuyan, ang ilang traffic enforcer ay 24/7 na nakabantay upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawahan ng publiko sa kanilang pagbiyahe.
Malinaw na ekslusibo para sa pampublikong transportasyon at emergency ang naturang linya, kaya nakakadismaya na mayroong naglalakas-loob na dumaan dito.
Sa totoo lang, nagdudulot ito ng perwisyo sa iba, lalo na sa mga pampublikong bus.
At bagama’t may multa, hindi ito sapat para magtanda ang sinumang lalabag. Baka hindi sapat ang babala, marahil ay napapanahon nang patawan ng mabigat na parusa ang lalabag para magtanda at hindi tularan ng ibang motorista.
Isa pa, panawagan natin na patuloy na sampolan ang mga pasaway upang malaman ng mga motorista na seryoso tayo at hindi dapat palampasin ang ganitong uri ng paglabag.
Pakiusap natin sa mga may pribadong sasakyan na dumadaan sa EDSA, manatili kayo sa tamang linya. Iwasan ninyong magdulot ng abala sa iba para sa sarili ninyong kapakanan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments