top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Mabigat na parusa sa magulang na ginagamit ang anak sa cybersex

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 23, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 23, 2023


Inaresto ng National Bureau of Investigation-Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD) ang isang nanay matapos na ibugaw online ang kanyang limang taong gulang na anak sa isang U.S. citizen.


Nangyari ang pag-aresto matapos ang natanggap na ulat ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa pamamagitan ng Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC) kung saan isang Dustin Johnson umano na American citizen ang iniimbestigahan kaugnay sa child pornography.


Natuklasan din na may dalawang video files na naglalaman ng dalawang magkahiwalay na screen recording sa dalawang live video at chats ng child sexual abuse at exploitation mula sa computer ni Johnson.


Ayon sa imbestigasyon, isang Pinay ang facilitator nito at mismong anak niya ang batang nasa video.


Samantala, nakita rin sa cellphone ng nanay ang CSAMs na naglalaman ng online sexual abuse at exploitation ni Johnson.


Bukod sa 5-anyos, nasagip din ng NBI ang 13-anyos na lalaki na anak din ng suspek.


Nakakaalarma ang mga ganitong kaso lalo na’t pabata nang pabata ang mga nagiging biktima ng cybersex.


Talagang nakakaawa ang mga batang tinatanggalan ng pagiging inosente at ibinubugaw pa ng mga magulang para lang mapagkakitaan ang kanilang sariling mga anak.


Patunay lang ito na lahat ay gagawin ng isang taong gipit kahit pa kaligtasan ng anak ang nakataya.


Sana, kung sinumang indibidwal o magulang na mahuhuling gumagawa ng ganitong uri ng krimen ay patawan ng mabigat na parusa dahil sa kasuklam-suklam na pagtrato nila sa kanilang mga anak.


Bigyan din natin ng nararapat na tulong ang mga batang biktima dahil sigurado tayo na matinding trauma ang kanilang aabutin mula sa ginawa ng kanilang mga magulang.


Kaya naman, dapat na tutukan ng gobyerno ang paglaganap ng cybersex dahil hindi biro na pabata nang pabata ang mga nagiging biktimang sangkot dito.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page