top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mabigat na parusa sa abusadong opisyal ng gobyerno!

BULGAR
Aug 28, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | August 28, 2022


Sinampolan ang limang LGU workers dahil sa diumano’y paggamit ng sasakyan ng gobyerno.


Nahaharap sa kasong grave abuse of authority at 60 araw na suspensyon mula noong Agosto 23, ang apat na engineer at isang staff member ng provincial government ng Negros Occidental dahil sa paggamit ng sasakyan ng gobyerno.


Nag-ugat ang kaso nang magreklamo mismo ang kanilang driver na pinaghintay siya ng lima na nag-iinuman sa isang restoran nang hanggang mag-a-alas-8:00 ng gabi. Pero base sa trip ticket, alas-2:00 ng hapon ang meeting ng lima sa Victorias City hall noong Hulyo 25.


Ang lima ay pawang nagtatrabaho sa Office of the Provincial Agriculturist.


Dalawang count ng grave abuse of authority naman ang isinampa sa isang division chief dahil minura pa umano nito ang pinuno ng capitol cab service nang siya ay tawagan hinggil sa pagkaantala ng kanilang pagbalik sa opisina.


Pinagbawalan silang makapasok ng kapitolyo matapos aprubahan ni Gov. Bong Lacson ang rekomendasyon ng provincial legal office na magsampa ng kaso.


Samantala, binigyang-diin na hindi pa parusa ang preventive suspension dahil sinisiguro lamang rito na hindi maiimpluwensyahan ng mga inirereklamo ang mga ebidensya at testigo habang umuusad ang kaso.


Sa kabila ng mga nangyayari sa bansa — pagkalat ng iba’t ibang sakit at mas mataas na bilang ng hawahan ng COVID-19, idagdag pa ang problema sa sektor ng agrikultura — nakakadismaya dahil may mga ganito pang insidente.


Marahil, masyado tayong nakapokus sa pandemya at iba pang mga problema sa bansa, kaya nakakalimutan na natin ang ibang isyu gaya nito. Kung tutuusin, ang mga ganitong aksyon ay mitsa ng kurapsyon, bagay na dapat bantayang mabuti.


Sana’y mapanagot ang mga nang-aabuso sa kanilang kapangyarihan. Kung kinakailangan, patawan sila ng mabigat na parusa upang hindi tularan ng iba.


Hangad nating magsilbi itong paalala sa mga kawani ng gobyerno na nar’yan kayo sa puwesto upang magsilbi sa publiko at hindi para sa pansariling interes.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page