Mabigat na parusa, ipataw sa nag-bomb-joke
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 2, 2023
Noong nakaraang linggo, naiulat ang sunud-sunod na mga bomb threat sa mga eskuwelahan at maging sa loob mismo ng eroplano.
Sa lumabas na report ng pulisya, napilitan ang pamunuan ng San Francisco High School, sa Bago Bantay, Quezon City, na pauwiin ang kanilang mga estudyante at guro dahil sa natanggap na bomb threat at sa nakitang iniwang bag sa paaralan.
Nagambala rin ang klase sa New Era Elementary School sa QC dahil sa naganap na bomb threat.
Isa pa rito, ang pag-aresto ng mga awtoridad sa 22-anyos na lalaki na isang Grade 8 student ng Alternative Learning System (ALS) sa Ponciano Bernardo High School, kung saan gamit ang Facebook account, nagpapadala ito ng mga bomb threats na nagdulot ng takot sa publiko.
Sa Davao International Airport, hinuli at pinababa ng eroplano ang isang matandang babae na nagbirong may dalang pampasabog sa crew attendants ng Cebu Pacific flights na mula Davao patungong Manila. Kung matatandaan, may naganap nang bombing noong Marso, 2003 sa Davao International Airport na ikinamatay ng 21 katao.
Ayon sa batas, may kaakibat na parusa ang isang indibidwal na lalabag sa Presidential Decree 1727 (Anti-Bomb Joke Law), Section 6 ng Republic Act 10175 o ang Anti-Cyber Crime Law.
Sa kinauukulan, dapat sigurong patawan ng mas mabigat na parusa ang sinumang mag-bomb-joke.
Paparusahan, ikukulong at pagmumultahin pero pagkatapos ay makakalaya rin, at sa huli, maaaring gawin nila ito ulit.
Takot at pagkabulabog ang naidudulot ng ganitong uri ng pagbibiro. Matinding panic din ang nangyayari, lalo na kapag may nag-joke na may bomba sa loob ng bus o sa mga sinehan.
Mas mabuting magbiro tayo ng magagandang bagay kaysa mag-joke na makakasakit sa ating kapwa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments