top of page

Mabagal na pagpapasya...

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 19, 2020
  • 2 min read

Dahilan kaya nasasayang ang magagandang oportunidad ng isinilang sa Year of the Dog

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | September 19, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang ugali at magiging kapalaran ng Dog o Aso ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa 2021 o Year of the Metal Ox.

Kung ikaw ay isinilang noong 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006 at 2018, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Aso o Dog. Ito ang ika-11 sa 12 animal signs sa Chinese Astrology kung saan siya rin ang zodiac sign na Libra sa Western Astrology na may kaakibat na planetang Venus.


Ang mapalad na oras para sa isang Aso ay mula alas-7:00 ng gabi hanggang sa alas-9:00 ng gabi, sa mapalad na direksiyong kanluran (west) at hilagang-kanluran (north-west).


Sinasabing higit na agresibo at matapang ang Aso na isinilang sa gabi kung ikukumpara sa maamo at mabait niyang kapatid na isinilang sa umaga o tanghaling-tapat.


Kilala sa pagiging tapat at makatarungan ang Aso, habang ang kababaang-loob ay isa rin sa kanyang mga pangunahing ugali, kaya karamihan sa kanila ay itinuturing ding mababait at maawain, lalo na sa mga nangangailangan at kapus-palad.

Ang problema lamang, isang negatibong ugali rin ng Aso ang pagiging mabilis magduda at hindi agad-agad nagtitiwala sa kanyang kapwa. Kaya naman mahirap mong makuha agad ang loob niya, lalo na kung ikaw ay hindi pa niya lubusang kakilala. Kumbaga, sa umpisa, paghihinalaan ka muna niya ng hindi maganda bago kayo tuluyang maging matalik na magkaibigan. Pero kapag nakasama ka na niya at natuklasang okey at mabait ka, roon mo lang makukuha ang kanyang loob at tiwala.



Kaya naman sa unang pagkikita, maaaring sa pag-ibig at pakikipagtransaksiyon sa negosyo, tulad ng naipaliwanag na, hindi mo agad makukuha ang pagsang-ayon ng isang Aso. Sa halip, hindi mo lang alam na posible pa ngang pinaghihinalaan ka niya ng hindi maganda, pero hindi niya ‘yun sasabihin o ipahahalata sa iyo.


Ang isa pang negatibong ugali ng Aso na dapat iwasan upang makamit ang maligaya at matagumpay na buhay ay ang pagdadalawang-isip. Palagi nang may labanang nagaganap sa kaibuturan ng puso ng Aso, kaya naman hindi siya agad-agad na makapagdedesisyon. Dahil matagal magpasya, nasasayang ang mga ginto at magagandang oportunidad na dumarating sa kanyang buhay. Kung matutunan niya na magdesisyon agad, marami sana siyang ligaya, pag-unlad at pagtatagumpay na aanihin sa taniman ng kanyang mga kararanasan at pakikipagsapalaran.


Kaya nga kung ikaw ang isang Aso, iwasan mong magpakupad-kupad at alipinin ng pagdadalawang-isip, sa halip, mas maganda kung lagi mong bibilisan ang mga pagpapasya at pagdedesisyon. Sapagkat sa ganyang paraan, matitiyak ang iyong tagumpay at wagas na kaligayahan, hindi lamang ngayong 2020 at 2021 kundi maging sa buong buhay mo.

Itutuloy

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page