top of page

Lupang Pangako, pangakong pabahay ng kasalukuyang pamahalaan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 4, 2021
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 04, 2021



Gaano kalayo ang Morong, Rizal sa Barangay Pinyahan, Quezon City? Marahil, ito’y sa pagitan ng 40 at 50-kilometro. Bakit natin ito itinatanong? Noong Huwebes, napakiusapan tayo ng parokyano sa dating parokya na magmisa sa kanyang yumaong ina sa pabahay na ipinagkaloob ng pamahalaan sa ilang dating taga-NIA Road sa Barangay Pinyahan, Quezon City.


Dahil sa panganib na nakaamba dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, hindi madaling kumuha ng pari. Naintindihan natin ito dahil sa kalagayan ng mga parukyanong nagkakasakit, lumulubha at namamatay sa ating kasalukuyang parokya.


Malalim at komplikado ang pagdadalamhati sa panahon ng pandemya para sa mga pumanaw na mahal sa buhay, kaibigan, maging mga kapitbahay at kasama sa trabaho. Kapag naospital ang iyong mahal sa buhay, tiyak na hindi mo basta mababantayan o madadalaw ito. Maging sa paglubha ng kalagayan ng iyong mahal sa buhay hanggang sa tuluyan na itong pumanaw dahil sa COVID-19, hindi malayong hindi mo na rin siya makita dahil sa patakarang dapat idiretso ang mga biktima ng COVID-19 sa crematorium. Paano magdadalamhati sa ganitong sitwasyon?


Mabuti na lang at hindi COVID-19 ang ikinamatay ng magulang ng ating dating parokyano. Maaari ko pa itong puntahan dahil naiburol ito sa kanilang tahanan. Ang problema lang ay nasa Morong, Rizal ang burol ng namatay. Karamihan ng mga na-relocate na mula sa kilalang NIA road sa Barangay Pinyahan ay nasa relocation site rito. Kinailangang magdala kami ng sasakyan papunta roon. Medyo manipis pa rin ang dami ng sasakyan sa daan dahil sa hindi gaanong kakapal na trapiko dahil MECQ na lang at hindi na ECQ. Malungkot lang ang inabutan naming daan papunta sa relocation site. Alun-alon, bitak-bitak at sa ilang lugar parang munting bundok na lumitaw sa gitna ng daan o lawa-lawaan ang hugis ng daan. Sayang at kongkreto pa naman ang daan. Nasabi na laman naming magkakasama na dahil siguro tago at malayo ang lugar at dahil ito naman ay para lamang sa mga naturang relocates (inilipat sa pabahay ng gobyerno) na maralitang taga-lungsod, hindi na ibinigay ang tama at angkop na halo ng graba, buhangin, semento at bakal. Sino naman ang makakakita sa kalyeng ito kundi ang mga maralitang taga-lungsod na galing sa NIA Road?


Ngunit, marami sa mga nailipat na sa Morong ay wala sa kani-kanilang tahanan mula Lunes hanggang Biyernes dahil wala silang natagpuang kabuhayan sa kanilang paglipat doon. Malaking bahagi ng kanilang suweldo ay nauubos sa balikang pamasahe mula Maynila hanggang Morong, Rizal. At marami rin sa kanila ay nanunuluyan sa mga kaibigan at kamag-anak na nakatira pa rin sa NIA road hanggang ngayon.


Kasama ba sa ipinagmamalaking Build, Build, Build Flagship program ng pamahalaan ang pagpapagawa ng matitinong pabahay para sa maralitang taga-lungsod? Mahalaga bang itanong ito sa panahon ng pandemya? Ngayong pinag-aawayan na sa Senado kung saan napunta ang bilyun-bilyong salapi sa overpriced na mga facemask, face shields at PPE? Tiyak na kung palalalimin pa ang imbestigasyon sa kabuuang paggamit sa pondong inilabas para sa Bayanihan I at 2, marami pang lalabas na anomalya.


Kung napabayaan ang pabahay, ang malubhang pagkukulang ngayon ay ang kalusugan at kaligtasan ng lahat sa pandemya. Ang problema ay simple. Malinaw at mali ang prayoridad ng pamahalaan. Una sa lahat, ang sarili. Pangalawa lang kayong lahat. Napakalungkot. Nasaan na ang pangakong pabahay sa mga maralitang taga-lungsod at taga-nayon? Nasaan na ang Lupang Pangako ang magandang kinabukasan na ipinangako nila sa ating lahat?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page