top of page
Search
  • BULGAR

Lumalalang krimen sa kababaihan, tutukan

ni Ryan Sison @Boses | October 19, 2023


Napupuno ng pag-aalala ang puso ng mga magulang kapag ang kanilang mga anak na inaasahang darating at makasama ay hindi na nakauwi ng kanilang tahanan.


Ito ang nangyari sa 26-anyos na si Catherine Camilon, kandidata ng Miss Grand Philippines 2023, na nai-report ng kanyang pamilya na nawawala noong Oktubre 12, 2023.


Si Catherine, isang public school teacher, ay representative ng Tuy, Batangas para sa naturang beauty pageant.


Gayunman, tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na handa silang tumulong sa paghahanap sa nawawalang kandidata. Anang PNP, hinihintay na lang nila ang pagdulog ng pamilya ni Catherine para maimbestigahan din ang kaso.


Sa isang phone interview, ipinahayag ni Rose Camilon, ina ni Catherine na papunta sa Batangas City ang kanyang anak para sa meeting sa isang online media company.


Ayon kay Rose, umalis ang kanyang anak ng bahay ng Huwebes, bandang alas-6 ng gabi. Maayos aniya itong nagpaalam sa kanya na pupunta umano ito sa Batangas.


Batay pa sa pamilya ni Catherine, huli itong nakontak noong Oktubre 12 bandang alas-8 ng gabi.


Subalit, hanggang ngayon ay hindi pa rin nila ito nakakausap at nananatiling naka-off ang kanyang cellphone.


Labis ang pag-aalala ng pamilya, lalo na ang ina ni Catherine nang hindi na ito nag-message kinabukasan samantalang regular itong nagte-text sa kanila.


Umaasa naman ang pamilya ng naturang kandidata na ligtas ito at uuwi ng kanilang bahay sa kabila na anim na araw nang missing.


Nitong Biyernes, nag-post sa Facebook ang kapatid ni Catherine na si Chin-Chin ng panawagan sa mga kaibigan at posibleng kasama niya. Nai-share rin nila ang gamit na sasakyan ni Catherine na Nissan Juke na may plate number NEI 2990 bago siya nawala.


Sinimulan na rin ngayon ng kapulisan ang paghahanap kay Catherine, habang inaalam na nila ang mga lugar na posibleng pinuntahan nito, kung saan sinasabing nagtungo sa dalawang gasoline stations sa Bauan, Batangas.


Nakakabahala na may mga napapaulat na naman na mga nawawalang babae, kung saan makalipas ang mga ilang araw ay matatagpuan na lamang ang mga itong patay na.


May mga report din na kadalasan ang nagiging biktima ay mga babaeng dinukot, ni-rape, inabuso, binugbog at iba pa. Tila, gumagrabe na ang mga naitatalang krimen na nangyayari sa mga kababaihan at maging sa mga bata na walang awang pinapatay, habang ang mga kriminal ay pagala-gala lamang at hindi napaparusahan.


Panawagan natin sa kinauukulan, na aksyunan sana nila ito agad at kung kinakailangan na suyurin ang mga lugar na pinamumugaran ng mga kriminal para mahuli ang mga ito ay inyo sanang gawin, saka patawan sila ng mabigat na parusa upang hindi maulit ang ganitong masamang gawain.


Sa mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen, may tamang hustisya rin para sa inyo. Hindi man kayo maparusahan dito sa lupa, may katiyakan naman ng paghatol sa inyo pagdating sa kabilang buhay.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page