Lumahok sa cash-for-work program… 200K PWDs, nabayaran na — DSWD
- BULGAR
- Dec 10, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | December 10, 2022

Ipinahayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na ang 200,000 persons with disabilities (PWDs) ay nabayaran na sa ilalim ng cash-for-work program ng DSWD na “BUHAYnihan.”
Sa isang radio interview ngayong Sabado, ipinaliwanag ni Tulfo na ang layon ng programa ay matulungan ang mga PWDs, lalo na ang kanilang upkeep o pangangailangan.
“So ‘yun po ang nagawa natin, kaya nga po itong persons with disability po last week, 200,000 po na individuals binayaran po natin, sir,” ani Tulfo.
“Umabot din ‘yun ng halos ilang bilyon. One-point-something billion na kinuha po namin doon sa tinatawag namin na Kalahi-CIDSS program, ‘yung Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan program po namin.”
Tinanong din si Tulfo kung ang bawat isang PWD ay nakatanggap ng pare-parehong halaga.
“Iba-iba sir, depende sa araw. Kung may iba na tatlong araw pinagtrabaho po natin, which tumanggap po ng P3,300, ‘yung iba naman po inabot ng P4,000, kaya hindi po pare-pareho ‘yung paggawa. ‘Yan po eh diyan namin hinugot po ‘yan eh, sa community-driven program. So, pasok po sila dyan,” saad ni Tulfo.
Sinabi naman ni Tulfo na ang konsepto ng BUHAYnihan ay mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Tama nga naman po siya kasi rather than nakaratay na lang ‘yung pobre, lalo pong made-depressed po ‘yang mga ‘yan, parang wala na talaga silang silbi, at least this time, meron po silang aasahan na,” dagdag pa ng DSWD chief.





Comments