Lubao MCFASolver, entra sa FIBA3x3 World Tour Cebu
- BULGAR
- Sep 18, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 18, 2023

May bagong koponan na magpapakilala sa katauhan ng Lubao MCFASolver sa kanilang pagsabak sa 2023 FIBA3x3 World Tour Cebu Masters ngayong Setyembre 23 at 24 sa SM Seaside City. Binubuo ito ng mga banyagang sina Jose Blazquez, Stanko Kujundzic at Mike Harry Nzeusseu at nag-iisang Filipino Terence Tumalip.
Nakamit ng Lubao ang karapatan na maglaro sa Cebu sa bisa ng kampeonato sa Chooks To Go Pilipinas 3x3 2023 Quest 3.0 noong Agosto 19 sa Solenad sa Santa Rosa City. Kilala noon bilang Quezon City Wilcon, winalis nila ang limang laro para makamit ang nag-iisang tiket.
Tanging sina Blazquez, isang Kastila na ika-258 sa FIBA3x3 Player Ranking at Tumalip ang babalik. Ang kanilang dalawang kakamping sina Keith Datu at Yutien Andrada ay nakalista na sa isa pang koponang Pinoy sa World Tour na Pasig TNT Triple GIGA.
Hindi biro ang kanilang mga kapalit at ang 6’4” na si Kujundzic ang numero unong player ng Croatia at ika-222 sa buong mundo. Kahit si Nzeusseu ang numero uno ng Cameroon at ika-283, matagal na siyang naninirahan sa Pilipinas at beterano ng unang Cebu Masters noong nakaraang taon kung saan naging bahagi siya ng host team Cebu Chooks.
Ang Lubao ay ang ika-12 koponan sa 14 kasali ayon sa FIBA 3x3 Ranking na may kabuuang 273,023 puntos. Malayo ito sa karamihan ng mga paborito na may higit isang milyong puntos bawat isa subalit lalaban pa rin sila kahit kailanganin nilang dumaan sa qualifier.
Simula pa lang ito at pagkatapos ng Cebu ay naimbitahang lumahok ang koponan sa USA Basketball Colorado Challenger sa Amerika sa Oktubre 7 at 8. Nakataya roon ang tatlong tiket para sa Abu Dhabi Masters sa Oktubre 28 at 29 sa United Arab Emirates.








Comments