top of page
Search
BULGAR

LTFRB, lumambot na naman sa unconsolidated PUVs

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 14, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Lumambot na naman ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa mga jeepney operator at drivers na nabigong makilahok sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na bumiyahe sa kabila ng itinakdang deadline para sa consolidation noong nakaraang Disyembre 31, ngunit doon lamang sa mga rutang kakaunti ang mga consolidated units.


Ayon sa LTFRB ang mga consolidated jeepney na nasa ruta na may 60 porsyento lamang ang units ay hindi na kailangang i-renew ang kanilang provisional authorities to operate.


Ang mga unconsolidated ay bibigyan ng pagkakataon para mabigyan ng special permits sa ruta na puwedeng bumiyahe -- sa ruta na may unconsolidated units o mas mababa sa 60 porsyento ng consolidation. 


Sa mga ruta na halos walang nag-consolidate, ay may pagkakataon pa para makapag-operate sila habang nakabinbin ang pagproseso ng mga itinalagang units para sa ibang ruta.


Ayon pa sa LTFRB, wala nang pagpapalawig pa na isasagawa sa pag-aaplay ng consolidation maging ito ay kooperatiba o korporasyon na siyang unang hakbang para sa PUVMP.


Ngunit maglalabas pa rin ang LTFRB ng mga special permit upang payagan ang mga awtorisadong public utility vehicle (PUV) na bumiyahe sa mga rutang walang nag-consolidate na jeepney drivers at operators.


Magsisilbi umano itong solusyon sa mga hinaharap na pagsubok ng mga komyuter matapos itakda ang deadline sa ilalim ng PUVMP.


Nauna rito ay nakatatanggap na ang ahensya ng ulat na parehong mga jeepney driver at pasahero ang umaaray sa kalsada dahil sa kahirapang bumiyahe.


Ayon sa ilang mga komyuter, talagang nabawasan ang mga jeepney sa daan at minsan ay inaabot na sila ng siyam-siyam kakahintay.


Kahit medyo may bahagya pang kaguluhan sa PUVMP ay nakatutuwang makita na umuusad na ang programang ito ng LTFRB na sa ngayon ay nasa proseso na pinaplantsa na lamang ang mga bagay-bagay sa kabila ng mataas na porsyento pa rin ng transport group ang tutol sa PUVMP.


Samantala, unti-unti namang isinasaayos ng mga transport group ang kani-kanilang lumang jeepney dahil sa hindi na rin umano kumikita at sa mas pinipili umano ng mga pasahero ang mga modern jeepney.


Ayon sa MANIBELA, handa naman umano silang sumunod sa pamahalaan hinggil sa modernisasyon ngunit sa paraang kaya lamang nila at hindi ang napakamahal na sapilitang iniaalok ng gobyerno.


Sa kabila ng pag-usad ng programa sa modernisasyon ay malaking porsyento pa rin ng transport group ang hindi tumitigil sa pakikipaglaban at tumututol sa PUVMP.


Sa rami ng paliwanag ng mga transport group hinggil sa pagtutol sa PUVMP ay makabubuting dalhin na nila sa hukuman ang usaping ito upang mabigyan ng pinal na desisyon at para hindi na rin maubos ang boses nila sa kasisigaw sa gitna ng walang tigil na protesta.


Sa paraang ito ay magkakaroon ng tamang pagpapasya kung dapat manatili pa ang tradisyunal na jeepney sa lansangan o kailangan na talaga pairalin ang PUVMP para maibsan na rin ang pagdurusa ng mga komyuter na pangunahing apektado sa naturang isyu.


Sobrang haba na ng ating paghihintay para wakasan ang usapin, na nagsimula noon pang nakaraang administrasyon at ngayon naman sa kasalukuyang administrasyon, ay baka makaladkad pa sa kampanya ang problemang ito.


Sabagay kung ang pakay lang naman ng transport group ay paabutin ito hanggang eleksyon sa pag-asang baka makakuha ng kakampi sa gitna ng kampanya, na baka may makisawsaw na kandidato -- sa puntong ito ay panalo ang transport group.


Nakalulungkot lamang isipin na sa ibang bansa ay puro de-kuryenteng sasakyan na ang pinag-uusapan, pero sa atin hanggang ngayon hindi pa rin maresolba ang PUVMP.


Hati ang opinyon ng ating mga kababayan — may gusto na panatilihin ang kinagisnang kultura kabilang ang tradisyunal na jeepney at meron namang sabik na sabik sa modernong pagbabago upang hindi umano tayo maiwan kung kaunlaran ang pag-uusapan kumpara sa ibang bansa. 


Hindi rin naman natin masisi ang pamahalaan kung bakit hindi basta-basta maipatupad ang PUVMP dahil sa kabuhayan ang nakataya rito ng marami nating kababayan, na mahirap isa-isantabi ng dahil lamang sa modernisasyon.


At ito rin naman talaga ang isinisigaw ng mga operator at driver, ang kailangan nilang kumain ng tatlong beses sa isang araw dahil sa paraang ito ay alam nilang hindi sila matitiis ng pamahalaan.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page