top of page
Search
  • BULGAR

Long distance BF na bumisita sa ‘Pinas… Matapos ma-preggy si gf, dedma na!

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | June 22, 2023



Dear Maestro,


May nakilala ako sa social media na foreigner, at taga Canada siya. Last April ay bumisita siya rito sa ‘Pinas at nagkita kami.


Matagal ko na siyang boyfriend. Oo, LDR ang relasyon namin, at noong nagkita kami ay may nangyari sa amin, nakuha niya ang pagkababae ko. Ang masaklap ay nabuntis ako, at mula ng malaman niyang nagbunga ang ginawa naming pagtatalik ay hindi na siya nagpakita at nagparamdam sa akin. Hindi na rin niya binubuksan ang kanyang mga account.


Kaya ngayon ay naguguluhan ako kung dapat ko bang ituloy ang pagbubuntis ko? August 13, 1989 ang birthday ko habang December 4, 1980 ang boyfriend ko.

Umaasa,

Yumi ng Rosario, Cervantes, Ilocos Sur

Dear Yumi,


Maaaring hindi na bumalik ang boyfriend mong foreigner na nakabuntis sa iyo, dahil kadalasan ganyan talaga ang nagiging kapalaran ng mga taong kuwatro, at silang may birth date na 4, 13, 22, at 31.


Pansamantalang nagkakaroon ng minamahal, pero sa bandang huli ay nawawala at bigla na lang lumilisan at ‘di na muling nagpapakita.


Samantala, pareho kayong may birth date na kuwatro (4) ng lalaking foreigner na karelasyon mo, may posibilidad din na magkatuluyan kayo, ang isa pang puwedeng mangyari sa inyo ay “magara.”


Ang ibig sabihin ng “magara” ay matagal kayong magkakahiwalay, pero sa kanyang pagbabalik, muli kayong pagsasamahin, na sa bandang huli ay siya pa rin ang mag-aahon sa iyo sa kahirapan, magbibigay ng magandang kapalaran at magpapayaman.


Maaari ganun ang sitwasyon niyo, dahil tulad ng nasabi na “Sadyang magiging magara o napakagara ang relasyon niyong dalawa dahil kapwa kayo nagtataglay ng numerong kuwatro.”


Ang pangalawang posibilidad na mangyayari ay ganito, maaaring hindi ka na balikan ng foreigner na boyfriend mo dahil ang kadalasang nangyayari sa mga taong kuwatro na tulad mo, sa rurok ng iyong kahangalan, kakaladkarin kayo ng tadhana sa ka-immoralan. Ang immoral na gawain na nabanggit ay nakatakda na dapat mong iwasan, pero karamihan sa mga taong kuwatro ay hindi nakakaiwas sa pangyayaring nabanggit.


Ngayon, matapos kang mabuntis, maanakan, at lokohin ng mga lalaki. Maibabalik mo pa rin sa normal ang iyong buhay.


Iyan ang malinaw na magaganap sa kapalaran ng mga taong naimpluwensyahan ng mga 4, 13, 22 at 31 lalo na’t isang babae na madaling maloko, mabait o may pagka uto-uto. Muli uulitin ko, “Matapos na magulo ang buhay mo, maibabalik mo pa rin sa katinuan, kaligayahan at sa magandang kapalaran ang iyong karanasan hanggang sa bandang huli ay maaari ka pang yumaman.”


Oo, mangyayari ang lahat ng ito, basta’t huwag mo na muling ipangalandakan ang iyong sarili pagdating sa pakikipagrelasyon.


Sa ganitong paraan, magsisimula na muli gumanda ang kapalaran ng mga taong kuwatro, hanggang sa bandang huli ay makamit nila, ang kanilang tunay na kapalaran – isang maalwa, maunlad, maligaya, mayaman at masarap na buhay.


0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page