top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Lockdown habang tag-ulan, ‘wag naman sana!

BULGAR
May 24, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | May 24, 2022


Nagbabala ang Philippine Medical Association (PMA) na maaaring magpatupad ng lockdown ang pamahalaan ngayong tag-ulan.


Ito ay kung marami umano ang hindi susunod sa mga ipinatutupad na health protocols kontra COVID-19, matapos madiskubreng nasa bansa na ang mga subvariants ng Omicron.


Matatandaang, kamakailan ay natukoy ang mga kaso ng Omicron subvariants BA.2.12, BA.2.12.1 at BA.4. Bagama’t mas mahina ang sintomas ng mga naturang variant, higit na nakakahawa ang mga ito kaysa sa orihinal na Omicron variant at orihinal na COVID-19 virus.


Paliwanag ng PMA, ngayong tag-ulan, karaniwan ding tinatamaan ng normal na sipon at ubo ang publiko dahil sa pagbabago ng panahon, kaya halos hindi madedetermina kung positibo sa COVID-19 o hindi ang isang tao.


Dahil dito, payo sa publiko na kung may nararamdaman, magpatingin agad sa doktor, gayundin, huwag umasa na ordinaryong ubo, sipon o lagnat lamang ang nararamdaman.


Isa sa mga pinakaayaw nating mangyari ay ang lockdown, lalo pa kung matatapat ito ngayong tag-ulan. Ibig sabihin kasi, pahirapan ang hanapbuhay at ‘di natin alam kung paano maitatawid ang gutom.


Naranasan na natin ang hirap ng lockdown at ‘di na ito puwedeng maulit.


Kasabay nito ang panawagan na patuloy tayong sumunod sa health protocols, lalo na ang tamang pagsusuot ng face mask at social distancing.


Nar’yan ang banta ng COVID-19, gayundin ang ibang mga variant, kaya utang na loob, ‘wag isawalang-bahala ang mga sintomas.


‘Di bale nang maging maagap kaysa umaksiyon lamang ‘pag nar’yan na ang problema.


Tandaan, hindi lamang ito para sa ating sarili kundi para na rin sa kaligtasan ng ating pamilya.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page