Loan program para sa mga SSS surviving spouse pensioner
- BULGAR

- Oct 5
- 3 min read
by Info @Buti na lang may SSS | October 5, 2025

Dear SSS,
Magandang araw! Nais kong ilapit ang nanay ko na surviving pensioner ng SSS. Mayroon bang iniaalok na loan program para sa mga pensioner nito? Magkano naman ang loanable amount at ilang taon itong babayaran? Salamat. —Leslie
Mabuting araw sa iyo, Leslie!
Napapanahon ang iyong katanungan dahil kalulunsad lang ng Social Security System (SSS) ang Pension Loan Program (PLP) para sa mga surviving spouse pensioner.
Ang PLP ay isang loan program o pautang na unang binuksan noong Setyembre 2018 para sa mga retiradong pensyonado o retirement pensioners ngunit ngayon ay pinalawak upang masaklaw din ang mga surviving spouse pensioner sa ilalim ng SSS Circular No. 2025-007 na may petsang 23 Setyembre 2025.
Layunin ng nasabing programa ang makapagbigay ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng isang pautang na may mas mababang interes. Batid naman natin na kailangan ng iyong ina at ng ating mga pensyonado ng karagdagang financial assistance para sa kanilang mga pangangailangang medikal, at iba pa.
Dagdag pa rito, ang PLP ay nagsisilbing alternatibo sa mga private lending institutions na nagbibigay din ng pautang na may mataas na interest rates at ginagamit na kolateral ang ATM cards ng mga pensyonado.
Upang makahiram sa ilalim ng PLP, kinakailangan lamang na matugunan niya ang mga sumusunod na kondisyon:
mayroong social security number;
nakarehistro sa My.SSS Portal na may updated na contact information;
may naka-enroll na disbursement account sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM);
hindi bababa sa 18 taong gulang panahon ng pagpa-file ng loan application ngunit hindi lalagpas sa 85 taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;
walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensyon;
walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package (CAP);
tumatanggap na ng regular na pensyon na hindi bababa sa isang (1) buwan;
nag-iisang binabayaran sa benepisyo ng pagkamatay; at
hindi na-disqualify dahil sa fraud o panlilinlang sa SSS.
Maaaring makahiram ng katumbas ng tatlo hanggang 12 beses ng kanyang tinatanggap na basic monthly pension (BMP) kasama ang P1,000 additional benefit na ibinigay noong 2017. Subalit, hindi ito hihigit sa P150,000 na siyang maximum loanable amount na ipinapahiram sa ilalim ng PLP. Dagdag pa rito, ang net take-home pension o matitira sa inyong buwanang pensyon ay hindi dapat bababa sa 40%.
Ang pag-file ng pension loan application sa PLP ay maaaring isagawa online sa pamamagitan ng kanyang My.SSS account. Maaari ring mag-file over-the-counter sa mga sangay ng SSS.
Samantala, ang pension loan na katumbas ng tatlong beses ng inyong tinatanggap na buwanang pensyon ay babayaran ninyo sa loob ng anim na buwan; kung katumbas naman ng anim na beses ng inyong buwanang pensyon, maaari ninyo itong bayaran sa loob ng 12 buwan. Kung ang nahiram na pension loan ay katumbas ng siyam o 12 beses ng buwanang pensyon, maaari naman itong bayaran ng hanggang 24 buwan o sa loob ng dalawang taon.
Ang isang kagandahan ng programang ito ay ang pagkakaroon ng credit life insurance ng borrowers. Kung sakali mang pumanaw ang nangutang na pensyonado at dahil dito ay hindi na nito maituloy ang pagbabayad ng kanyang loan, sa ilalim ng credit life insurance, babayaran ng isang insurance company ang natitirang utang ng pensyonado sa SSS.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.





Comments