top of page

Llover tinibag ang tibay ng Panama sa 8th rnd TKO

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 18
  • 2 min read

ni Gerard Arce @Sports News | August 18, 2025



Kenneth Llover kontra El Nica ng Panama - Gerrypens Promotions

Photo: Kenneth Llover kontra El Nica ng Panama - Gerrypens Promotions


Nagpaulan ng sandamakmak na upak si Filipino rising star Kenneth "The Lover" Llover sa iba't ibang kombinasyon upang tuluyang masaktuhan ng banat si Panamanian boxer Luis "El Nica" Concepcion sa eight-round technical knockout, kagabi sa Mano-a-Mano main event bout ng 10-round non-title match sa Winford Hotel Resort and Casino sa Maynila. 


Napilitang pigilan ni referee Carlo Baluyot ang laban sa 2:27 ng eight round matapos masapol ng sangkaterbang kumbinasyon kabilang ang matinding body shots na nagpaluwag lalo sa depensa ni Concepcion.


"Masasabi kong ilang beses na akong bumitaw ng suntok pero napakatibay ng kalaban," pahayag ni Llover matapos ang laban na aminadong hindi nais madaliin ang panalo mula sa payo ni GerryPens Promotions head Gerry Penalosa at ng kanilang coaching staff. "Masasabi ko na 'wag magmamadali na makuha 'yung knockout kase 'di basta-basta makukuha iyon sa first round kaya kalmado lang ako sa laban." 


Dulot ng matagumpay na panalo ay sunod na puntirya nitong makatapat si South African Landi Ngxeke sa Oktubre 26 para sa isang world title eliminator sa International Boxing Federation (IBF) 118-pound division. Nagsilbing acid test ang laban ng 25-anyos na fighting pride ng General Trias, Cavite kontra sa dating two-division world champion na determinadong makaakyat sa world title fight sa ilalim ng pangangalaga ni Penalosa

at Kameda Promotions.  


Maagang nakabitaw ng banat si Llover mula sa kombinasyon sa katawan at ulo para masubukan kaagad ang katatagan ng katawan ng Panamanian boxer sa unang round. Natagpuan naman ni Llover ang magkasunod na knockdown sa second at third round, kasunod ng walang habas na kombinasyon.  


Mula sa panalo ay umangat sa 15 wins at 10 knockouts ang kartada ni Llover, habang bumagsak sa 40-12 (win-loss) rekord kasama ang 29 KOs si Concepcion na nalasap ang ikatlong sunod na pagkatalo.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page