top of page
Search

Motorcycle taxi program, tuloy pa rin

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | May 27, 2024



Boses by Ryan Sison


Limang taon matapos na ilunsad ang motorcycle taxi pilot program para sa mga komyuter, patuloy pa rin at hindi inirerekomenda ang termination nito.  


Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Teofilo Guadiz III, na siya ring head ng technical working group (TWG) for motorcycle taxi plot study, hindi inendorso ng TWG ang terminasyon ng naturang programa. 


Aniya, ang tinapos nito o na-terminate ay ang pangangalap ng mga datos habang nagpapatuloy ang programa.


Ang ongoing pilot program ay unang nagbigay-daan sa tatlong motorcycle players — ito ang Angkas, Joyride, at Grab-led Move It — na nagsisilbi bilang motorcycle taxi platforms sa Metro Manila.


Isinasagawa ang pag-aaral upang madetermina ang kaligtasan at kakayahang umangkop ng mga two-wheel vehicle bilang isang paraan o mode of public transportation, habang nakabinbin pa ang pagsasabatas nito.


Sinabi ni Guadiz na inendorso naman ng TWG sa programa, na magdagdag ng mas marami pang players at palawakin din sa mga additional area. Sa pamamagitan nito aniya, magbibigay-daan ito sa TWG na epektibong matiyak ang magiging epekto o impact ng naturang pilot study.


Pahayag din ng LTFRB chief na naniniwala ang mga mambabatas na ang limitadong pag-aaral ng tatlong players nito sa loob ng Metro Manila ay hindi sumasalamin sa isang tinatawag na encompassing study hinggil sa epekto ng mga MC taxi sa kaligtasan at seguridad, ekonomiya, trapiko, at sa iba pang mga public transport mode.


Gayunman ayon sa opisyal, ang pag-aaral ay lumawak sa mas maraming players at sa labas ng mga border ng Metro Manila.


Kamakailan, ang LTFRB ay nag-accredit ng apat pang Transport Network Companies (TNC) na may 8,000 accredited riders sa Regions III at IV.


Gayundin aniya, ang kagawaran ay nananatiling nakatuon sa pagtiyak ng isang komprehensibo at inklusibong pagsusuri ng motorcycle taxi pilot program sa pamamagitan ng pagpapalawak ng saklaw at mga kalahok nito.


Mainam ang naging desisyon ng kinauukulan na hindi tapusin ang pilot study ng motorcycle taxi program habang hinihintay na maisabatas ito.


Malaki naman kasi ang naitutulong nito hindi lang sa mga commuting public, kundi pati na rin sa mga negosyo.


Kumbaga, mas mabilis na nakakarating sa patutunguhan habang walang nagiging delay sa mga transaksyon.


Sana lang ay mas palawakin pa sa maraming lugar ang ginagawa nilang pag-aaral sa MC taxi program at suportahan pa nang husto dahil talagang napapakinabangan ito ng mga mamamayan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

コメント


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page