Lillard, Beal, Towns At Booker bida ng Valentine's Day games

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 16, 2021

Winasak ni Damian Lillard ng Portland Trail Blazers ang mga puso ng Dallas Mavericks para sa 121-118 tagumpay sa Araw ng mga Puso sa NBA kahapon mula sa American Airlines Center. Ipinasok ni Lillard ang tres na nagpalamang sa Blazers na may 32 segundo sa orasan, 119-116, at kumapit para sa kartadang 16-10.
Nagpalitan ng buslo sina Luka Doncic at Derrick Jones Jr. subalit kinapos ang Mavs ng oras. Nagtala ng 34 puntos si Lillard. Nag-alay ng panalo ang mga koponan sa kanilang mga matiyagang tagahanga. Sunod-sunod na nagwagi ang Washington Wizards, Detroit Pistons, Minnesota Timberwolves at Oklahoma City Thunder para humigpit ang karera at humabol sa liderato.
Dalawang sunod na ang tagumpay ng Pistons matapos iligpit ang bisitang New Orleans Pelicans, 123-112, sa bisa ng mainit na second half. Namuno sa Pistons (8-19) ang mga reserbang sina Josh Jackson at Svi Mykhailiuk na may 21 at 18 puntos. Bago ang panalo ng Pistons, saglit umalis sa pinakailalim ng Eastern Conference ang Wizards salamat sa panalo sa Boston Celtics, 104-91, kung saan umabot ng 25 ang lamang ng Wizards papasok sa huling anim na minuto. Hindi na masyadong ginamit si Bradley Beal sa fourth quarter na may 35 puntos.
Sinakmal ng bisitang Timberwolves ang Toronto Raptors, 116-112, sa likod ng double-double ni Karl Anthony Towns na 20 puntos. Nag-ambag din ng 20 puntos si Malik Beasley subalit nanatili pa rin ang Minnesota (7-20) sa ilalim ng Western Conference.
Kinumpleto ng Thunder ang araw ng pamamayagpag kontra Milwaukee Bucks, 114-109. Nagising ang Thunder (11-15) sa fourth quarter at humugot ng lakas kay Justin Jackson sa 22 puntos. Panalo ng dalawang sunod ang San Antonio Spurs at iniligpit ang Charlotte Hornets, 122-110, matapos magpaulan sila ng 30 puntos sa huling 10 minuto ng laban at burahin ang 93-92 lamang ng Hornets.
Nanguna sa Spurs (16-11) si Dejounte Murray na may 26 puntos at 12 rebound at Derrick White na may 25 puntos. Lamang ng buong 48 minuto ang Phoenix Suns kontra sa Orlando Magic, 109-90. Nagsumite si Devin Booker ng 27 puntos.
Sa ibang mga laro, tinapos ng Denver Nuggets ang pitong sunod-sunod na panalo ng defending champion Los Angeles Lakers, 122-103. Nagtala ng triple double si Nikola Jokic na 23 puntos. Kahit hindi nagbihis sina Kawhi Leonard at Paul George, madaling tinalo ng Los Angeles Clippers ang Cleveland Cavaliers, 128-111. Wagi ang Memphis Grizzlies sa Sacramento Kings, 124-110.





Comments