Ligtas sa operasyon sa utak pero 'di na nagising…NANAY NI ANGELINE, PUMANAW NA
- BULGAR

- Nov 8, 2020
- 2 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | November 8, 2020

“Mag-iingat ka sa paglalakbay, Mama. Hindi man kita maalalayan sa paglalakad ngayon patungo sa paraiso, masaya ako nand'yan ang Panginoon para umalalay sa 'yo. Hinding-hindi ako mapapagod sa pagpapasalamat sa 'yo, Ma, dahil sa pagkakataong ibinigay mo sa akin para maging anak mo. Hanggang sa muli nating pagkikita. MAHAL NA MAHAL KONG MAMA BOB,” ito ang post ni Angeline Quinto sa kanyang FB account ng larawang yakap niya ang adoptive grandmother na nagpalaki sa kanya.
Nitong Biyernes (Nobyembre 6), sa ganap na 7:09 PM ay pumanaw na si Mama Bob sa Our Lady of Lourdes, Sta. Mesa Manila kung saan halos dalawang buwan siyang nanatili pagkatapos ng brain surgery niya.
Ang kaibigan ng pamilya ni Angeline na si Olive Zarate ang unang nag-post sa kanyang Instagram na pumanaw na si Mama Bob.
“Mami-miss ko ang mga makukulit mong video kapag nagmamasungit ka dahil niloloko ka ni Angge at 'yung palagi mong sinasambit sa akin tuwing nagkikita tayo na 'Ang ganda mo ngayon.' Rest in peace, Mama Bob. Mami-miss ka namin @mommabobquinto.”
Matatandaang noong Setyembre 10 ay nagpunta ng Tagaytay sina Mama Bob at Angeline para mamili, pero nakaramdam ng hilo ang una hanggang sa nasuka kaya kaagad dinala sa Sta. Rosa Hospital at nakitang may namuong dugo na kailangang operahan kaya inilipat sa Our Lady of Lourdes para roon isagawa ang operasyon noong araw ding iyon.
At dito humingi ng panalangin si Angge sa publiko, “Gusto kong kumatok sa mga puso n'yo. Tulungan n'yo po akong ipagdasal ang Mama Bob ko. Kailangan na kailangan po namin ng tulong n'yo sa pagdarasal. Nakikiusap po ako. Isama n'yo po ang Mama Bob ko sa mga panalangin n'yo.
“Ito ang pinakamatinding pagsubok sa buhay ko. Hindi mo ako kahit kailan binigyan ng pagsubok na hindi ko Kaya. Ama, buung-buo ang tiwala at pananalig ko sa 'yo. ‘Wag mong pabayaan ang taong pinakamahal ko, Ama.”
Naging successful naman ang operasyon pero ayon sa singer-actress ay laging tulog ang kanyang Mama Bob at sandali lang nagigising.
Kuwento sa amin ng dalaga, “Nagpapagaling pa po siya galing sa operasyon sa brain po. Sana po, magtuluy-tuloy po ang paglakas at paggaling ni Mama Bob. Sana po, magising na siya ulit dahil mas madalas po tulog siya. Pero naididilat po ang mga mata minsan. Sa awa po ng Panginoon.”
Bukod sa post ni Angeline kahapon sa pagkawala ni Mama Bob ay lagi siyang nagpo-post ng mga larawan nilang magkasama sa mga biyahe sa labas ng bansa at huling post niya nitong Nobyembre 4.
“Miss na miss na miss ko na ang pinaka-cute kong travel buddy. I love you very much, Mama Bob. #Canada2019.”
Mula sa pahayagang Bulgar ay nakikiramay po kami sa mga naulila ni Mama Bob.




Comments