Ligtas na pagboto ng mga COVID positive, diskartehan
ni Ryan Sison - @Boses | September 19, 2021
Sa kabila ng patuloy na laban kontra pandemya, tuloy din ang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa nalalapit na national elections sa 2022.
Dahil sa maraming pag-iingat upang hindi maging super-spreader event ang halalan, kung kaya’t pinag-aaralang mabuti ang magiging proseso ng pagboto.
Kaugnay nito, pinaghihinay-hinay ng Department of Health (DOH) ang Comelec sa pagpayag nilang makaboto nang personal ang mga indibidwal na positibo sa COVID-19 dahil maaaring maging dahilan ito ng mas hawaan.
Paliwanag ng ahensiya, hindi inirerekomenda ang paglabas ng COVID positive patient kaya umaasa silang makahahanap ng ibang pamamaraan ang Comelec para maisagawa ang pagboto ng mga pasyenteng may COVID nang hindi makakahawa ng iba.
Isang paraan na maaaring ikonsidera ay ang pagboto sa pamamagitan ng short messaging system (SMS) o text messages o iba pang pamamaraan na gagamitan ng electronics.
Matatandaang sa ngayon, wala pang batas na nagpapahintulot sa ibang mga paraan ng pagboto.
Gayunman, ang nasa “new normal” guidelines pa lang ng Comelec sa ngayon ay ang pagtatalaga ng isolation polling places sa araw ng halalan upang doon bumoto ang makikitaan ng sintomas ng COVID-19.
Sa totoo lang, palaisipan pa rin sa marami ang magiging sistema ng pagboto ngayong kakaiba ang sitwasyong kinakaharap natin.
Malayung-malayo sa nakasanayan nating eksena noon na dikit-dikit ang mga botante at sandamakmak na tao ang nakaabang sa mga nakatakdang presinto at sa parating na halalan, malamang na may social distancing at iba pang health protocols na dapat masunod.
Sa kaunting panahong natitira bago ang eleksiyon, sana lang ay mapag-aralan pa ang mga puwede nating gawin para matiyak na walang hawaang magaganap.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments