Libu-libong tsuper, ‘wag hayaang mabaon sa utang bago makapasada
- BULGAR

- Jul 5, 2020
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | July 5, 2020
Noong Biyernes, Hulyo 3, balik-pasada na ang tradisyunal na jeep matapos ang apat na buwang tigil pasada dahil sa lockdown bunsod ng COVID-19 pandemic.
Pero hindi basta-bastang nakabalik-pasada ang libu-libong tsuper dahil ‘ika nga, hindi puwedeng sumabak sa giyera nang walang armas.
Kaugnay nito, umabot sa P10,000 ang inutang ng isang jeepney driver para malagyan ng dibisyon, plastic cover at disinfectant fogging machine sa kanyang dyipni para makasunod sa itinakdang health protocol ng pamahalaan.
Kuwento ng tsuper, umaasa siyang mababawi ang inutang kaya excited na siyang pumasada.
Samantala, umaasa ang iba pang jeepney driver sa ibang ruta na payagan din silang bumiyahe sa mga susunod na linggo.
Sa ngayon, nasa 6,000 dyip na ang pinayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pumasada sa 49 ruta sa Metro Manila. Wala pa ito sa 10% ng humigit-kumulang 70,000 dyip na namamasada noon.
Ayon sa isang grupo, bagama’t pinayagan nang magbalik-pasada ang ilang traditional jeep, marami sa mga unit ang hindi pa handang ibiyahe.
Maraming sabik bumiyahe, pero hindi pa malinaw kung ano ang kailangan ihanda sa sasakyan.
Panawagan sa kinauukulan, bigyan sila ng malinaw na panuntunan.
Tulad nito, sa kagustuhang pumasada, nangutang pa para kahit paano ay maihanda ang kanyang dyip, pero kung biglang babaguhin ang panuntunan, kawawa na naman sila.
Tipong hindi pa nababawi ang ipinangutang, dagdag-problema pa ang gastusin sa araw-araw.
Ilan lang ito sa sitwasyon ng mga tsuper na nagsisikap na muling makabiyahe.
Kung papayagang pumasada, ilatag ang malinaw na panuntunan dahil susunod naman sila.
Hirit ng ilang tsuper, ‘wag naman sana silang paasahin at tulungan silang makasunod sa health protocols para ‘di sila mabaon sa utang bago umarangkada.
Bigyan sila ng tsansang makabangon, lalo pa ngayong sila ang napag-iiwanan ng karamihan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments