top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Libreng sakay, malaking tulong sa mga manggagawa

BULGAR
Jan 4, 2023
1 min read

@Editorial | Enero 4, 2023


Nagtapos na ang libreng sakay ng EDSA Bus Carousel noong Disyembre 31, 2022.


Masasabing malaking kagaanan ang naidulot nito sa mga pasahero, lalo na sa mga manggagawa. ‘Yung budget sa pamasahe, nailaan sa ibang gastusin.


Kaugnay nito, pinag-aaralan na umano ng Department of Transportation (DOTr) ang pagbabalik ng libreng sakay ng EDSA Bus Carousel. Ayon sa Kalihim ng ahensya, maaaring maibalik ang libreng sakay, subalit hanggang isang buwan lamang.


Napag-alamang nasa P2.1 bilyon lamang ang naibigay na pondo sa service contracting program na kulang para magpatuloy ang libreng sakay.


Kung may mapaghuhugutan pa sana ng ibang pondo para sa programang ito ay napakalaking tulong sa mga mananakay.


‘Yung mga ahensya na palaging may natitirang budget, baka puwedeng ilipat na sa mga programa, tulad nito na masasabing mas mapakikinabangan ng publiko.


Ito ‘yung direktang nararamdaman ng taumbayan ang serbisyo ng gobyerno. Lalo na sa panahon ngayon na mataas pa rin ang mga bilihin at serbisyo.


Kahapon, may bigtime oil price hike na naman, kasunod nito magtataasan na naman ang presyo. Kapag nagpatuloy sa mga susunod na linggo, malamang ihirit na rin ang taas-pasahe.


Wala naman tayong ibang hangad kundi ang mapagaan ang pamumuhay ng bawat isa at hindi ‘yung may iilan na nagpapakasasa sa yaman na hindi naman pinagpaguran.


Ngayong taon, mas malaking pondo ang hawak ng gobyerno, ‘ika nga, “Baka naman!”


Baka puwedeng masulit sa serbisyo-publiko, sa mga programa at proyekto ng gobyerno. Baka puwedeng mapakinabangan ng bawat Pinoy at baka puwedeng makita talaga, kung saan napupunta ang kada sentimo, baka puwede lang, tutal ‘yan ay pera ng taumbayan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page