top of page

Libreng gamot sa leptos at tetanus para sa mga lumusong sa baha

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 13, 2020
  • 1 min read

ni Lolet Abania | November 13, 2020




Nag-abiso ang Department of Health (DOH) sa publiko ngayong Biyernes na dapat i-avail ang libreng gamot laban sa leptospirosis at tetanus na ipinamimigay sa pinakamalapit na health centers sa kanilang lugar lalo na’t marami ang nasuong sa baha matapos ang Bagyong Ulysses.


Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, maraming lugar sa Luzon, kabilang ang National Capital Region (NCR), ang nakaranas ng matinding pagbaha dahil sa nasabing bagyo at nag-iwan ng mga namatay at nasaktan.


“Iyong mga naglakad po sa tubig-baha dahil sa Typhoon Ulysses, please go to the nearest health center para mabigyan po kayo ng prophylaxis for [preventing] leptospirosis,” sabi ni Vergeire sa isang online forum.


“Iyong mga nagkasugat naman po habang naglalakad sa baha, kailangan rin po pumunta sa health centers para mabigyan ng anti-tetanus shots at iyong para sa leptospirosis. Importante po ito dahil delikado po ang leptospirosis, nakamamatay,” dagdag ng kalihim.


Sinabi rin ni Vergeire na hindi dapat mag-alala ang mga nangangailangan ng medical assistance dahil libre rin itong ibibigay sa kanila.


“Kailangan po mabigyan ng prophylaxis within 24 to 48 hours na lumusong sila sa flood waters. Ito po lahat ay libre,” ani Vergeire.


Gayundin, ibinilin ni Vergeire sa regional units ng DOH na kailangang bigyan ng face masks ang lahat ng evacuees na tinamaan ng Bagyong Ulysses at Rolly bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19.


“Kailangan po lahat ng papasok sa evacuation center ay bibigyan ng supply ng face mask. Naibigay po natin ang direktibang ‘yan. Kapag nabasa na po ang inyong surgical o cloth mask, kailangan na po palitan at magsuot ng bago para maiwasan ang COVID-19 pandemic,” sabi ni Vergeire.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page