top of page
Search
  • BULGAR

Libreng flu vaccines para kina lolo't lola, madaliin

ni Ryan Sison @Boses | April 16, 2024



Nananawagan ang mga medical expert sa Department of Health (DOH) na pabilisin ang paglulunsad ng mga libreng flu vaccines sa mga senior citizen sa unang bahagi ng Mayo para maprotektahan ang mga ito sa maaaring outbreak ng mga respiratory disease sa mga susunod na buwan.


Ayon sa infectious disease expert at lead convener ng Raising Awareness Influenza to Support Elderlies (Raise) Coalition na si Dr. Rontgene Solante, ang outbreak kamakailan ng mga respiratory disease ay isang patunay ng kahalagahan ng maagang paghahanda para sa pagpapagaan ng epekto ng mga vaccine-preventable diseases. 


Aniya, dapat na kumilos ang DOH at madaliin ang pagre-release ng mga flu vaccine sa publiko bago ang peak incidence upang maprotektahan ang mga matatanda mula sa malubhang komplikasyon gaya ng pneumonia.


Batay sa datos ng DOH, tumaas ng 50 porsyento ang mga kaso ng influenza-like illness (ILI), mula 131,1997 noong 2022 ay naging 198,094 noong 2023. Gayunman, bumaba ang nasasawing mga pasyente ng ILI, mula 497 ay naging 277 sa parehong panahon.


Ayon sa Raise Coalition, isang multi-sectoral group na nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang medical societies para itaguyod ang mga napapanahong tugon at mga vaccination program sa mga matatanda, ang pagbabakuna sa mga senior citizen nang maaga ay maaaring mabawasan ang mga potensyal na outbreak bago ang inaasahang peak incidence ng mga kaso ng flu o trangkaso sa pagitan ng Hunyo at Nobyembre.


Gayundin, nanawagan ang vaccine expert at Raise Coalition co-convener na si Dr. Lulu Bravo sa DOH na palawakin ang free flu vaccination para sa lahat ng mga senior, anuman ang kanilang estado.


Sinabi ni Bravo na maraming matatanda ang umaasa lamang sa mga libreng bakuna na ibinibigay ng gobyerno bilang kanilang pangunahing proteksyon laban sa trangkaso.


Napakahalaga aniya pa, na mabakunahan ang lahat ng mga lolo’t lola, katulad ng mga proactive measures na ipinatupad sa panahon ng COVID-19 pandemic. Ang pagkontrol sa pertussis ay magtatagal, at ang kasabay na pagtaas nito sa flu cases ay maaaring makapagpahirap sa kapasidad ng ating healthcare system para tumugon nang epektibo.


Ang mga pagbabakuna ay karaniwang isinasagawa sa ikatlo o ikaapat na quarter ng taon bago ang flu season, na magsisimula sa Oktubre at tumataas sa panahon ng mas malamig na buwan ng Enero at Pebrero.


Para naman sa mga non-indigent senior, nasa P1,000 hanggang P2,000 ang halaga ng flu vaccine kada taon, habang P3,000 hanggang P4,000 naman para sa pneumococcal conjugate vaccine kada limang taon.


Dapat na nga sigurong mabigyan ng flu shot ang ating mga lolo’t lola habang maaga pa.

Sila kasi ang mga vulnerable at madali silang mahawa ng iba’t ibang sakit.


Sana ay simulan agad ng kinauukulan ang libreng pagbabakuna sa kanila, lalo na iyong mga mahihirap nating senior citizen, na talagang umaasa lamang sa pamahalaan, para naman mailayo sila sa mga nagsusulputang sakit at makasama pa natin sila ng matagal-tagal.

 

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page