top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

LGUs, puspusan na ang paglilinis bago mag-La Niña

Writer: BULGAR
BULGAR
May 20, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 20, 2024



Boses - Ryan Sison


Bilang paghahanda sa paparating na La Niña phenomenon, nag-organisa ang mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila ng mga cleanup operation upang mabawasan ang panganib ng pagbaha sa kanilang lugar.


Batay sa mga report, puspusan na ang paglilinis sa mga kanal at creek ng Quezon City government para sa nalalapit na tag-ulan. 


Nagsimula nang mag-iikot ang District Action Offices at QC Engineering Department upang linisin ang mga baradong kanal at mga daluyan ng tubig. Nagsagawa sila ng declogging, pagkukumpuni at cleanup operation sa Northview 1; Pangasinan Street; Battalion Street; Barangay Batasan Hills; sa Barangay Commonwealth, District 2. 

Gayundin, isinailalim sa declogging ang bahagi ng Quezon Memorial Circle at ang manhole installation sa Elliptical bike lane sa District 4.     


Ang mga street sweeper naman sa naturang lungsod ay patuloy na nagtatrabaho para alisin ang mga basurang lumilitaw kasunod ng isang thunderstorm.


Sa Maynila, ang mga opisyal ng Barangay 675, Zone 73, ay nagsasagawa ng drainage at sewer declogging mula pa noong March.


Pahayag ng chairman ng Barangay 675, mayroong silang declogging, habang on a weekly basis ay may cleanup drive sila na mandato ng Department of the Interior and Local Government (DILG).


Naghahanda na rin ang Pasay City government ng regular na paglilinis ng mga daluyan ng tubig.


Ayon kay Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano, mayroon silang regular na cleaning up sa barangay level ng kanilang mga estero at street. Aniya, inatasan na niya ang kanilang Engineering Office na i-check ng mga ito ang mga drainage kung may sira pa, habang nakikipagtulungan na rin sila sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa paglilinis ng mga estero at waterway.


Batay sa PAGASA, mas magiging madalas na ang pag-ulan sa mga susunod na araw habang papasok ang bansa sa tag-ulan o wet season.


Dagdag ng state weather bureau, ang La Niña na naiuugnay sa above-normal rainfall ay maaaring mag-develop sa panahon ng June, July at August.


Mainam ang ginagawang paghahanda ng mga local government unit (LGU) sa Metro Manila para sa napipintong pagdating ng La Niña phenomenon. 


Hindi lang kasi pagbugso ng malalakas na mga pag-ulan ang ating mararanasan dahil posibleng sumabay na rito ang paghagupit naman ng naturang phenomenon.


Kung sakaling tumama na ang La Niña habang ang ating mga estero, kanal at daluyan ng tubig ay nagbabara-bara pa sanhi ng mga basura at mga katulad nito, siguradong ang magiging resulta ay pagkakaroon ng mga pagbaha sa maraming lugar. 


Kaya tama lamang na sinimulan na ang paglilinis, pagkukumpuni at declogging ng mga LGU sa kanilang mga barangay.  


Paalala sa ating mga kababayan na maging responsable rin sana tayo sa pagtatapon ng ating mga basura dahil talagang malaking epekto nito sa pagbabaha sa mga lugar. Lagi nating isipin na mas mabuting panatilihing malinis, maayos at payapa ang ating kapaligiran.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page