LGUs, kailangan makiisa sa paghahanda para sa F2F classes
ni Ryan Sison - @Boses | July 29, 2022
Bilang paghahanda sa nalalapit na 100% face-to-face classes sa Nobyembre, inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na tumulong sa mga paaralan.
Hinikayat ni Sec. Benhur Abalos ang mga lokal na opisyal na pulungin ang mga kinauukulang konseho para sa mga paghahanda, kasama na ang pagsusuri sa mga paaralan para matiyak ang kalidad at integridad ng mga istruktura at pasilidad.
Gayundin, inatasan ng kalihim ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang law enforcement units ng LGUs na patuloy na makibahagi sa pagkasa ng Brigada Eskuwela.
Tuloy na tuloy na nga ang pagbabalik-eskuwela at batid nating puspusan na ang paghahanda ng mga mag-aaral, magulang, guro, gayundin ang mga non-teaching personnel.
Batid nating ginagawa ng gobyerno at Department of Education (DepEd) ang lahat ng kanilang makakaya para maitaguyod nang ligtas ang parating na in-person classes.
Pero siyempre, malaking tulong din ang alalay ng LGUs sa paghahandang ito dahil batid nating sila ang may alam ng sitwasyon sa kanilang lugar, gayundin ang mga hakbang na kailangang maipatupad upang mapanatili ang kaligtasan ng mamamayan.
Ngayong nananatili ang banta ng COVID-19, dito na kakailanganin ang tulong ng LGUs upang istriktong maipatupad ang minimum public health standards, gayundin ang COVID-19 pediatric vaccination campaign.
Napakahalaga na mapigilan ang hawahan at hangga’t maaari, sana’y magawa natin ito sa tulong ng iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments