LGU officials, 'wag kampante sa COVID
@Editorial | August 15, 2022
Patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
May ulat na nadaragdagan ang mga naoospital dahil sa nakahahawang sakit.
Kaya sa kabila ng unti-unting pagluwag, palaging paalala na mas mag-ingat.
Pinagsabihan na rin ang mga local government units (LGUs) na palakasin pa ang pagpapatupad ng mga health protocols.
Sa projections ng Department of Health (DOH), ang mga COVID-19 cases ay maaaring umabot sa 10,600 kada araw pagsapit ng buwan ng October.
Sa huli namang pagtala ng DOH, umaabot sa 4,661 ang mga nai-record na mga bagong kaso ng COVID cases. Ito na ang highest ngayong linggo.
Umaapela rin sa mga LGUs na hindi dapat mag-relax at dapat ang mga local executives ang manguna sa laban kontra pandemya.
Huwag hintaying lumala pa ang sitwasyon. Bukod sa mga ipinatutupad ng health protocols, mag-isip din tayo ng iba pang paraan para makaiwas sa virus.
Wala nang lockdown, kaya huwag nang pasaway.
Dapat kabisado na natin ang senaryo sakaling may kasamang nahawahan o tayo mismo ang nagpositibo.
Walang higit na makatutulong kundi ang pag-iingat at pag-aalaga sa sarili.
Lalo na ngayong magbabalik-eskwela na ang mga anak, may iba na face-to-face classes na, bantayan natin silang maigi, paalalahanan hanggang sa makasanayan na ang pamumuhay nang may banta ng COVID.



Comments