LGU na inutil sa mga nakahambalang sa kalsada at bangketa, lagot!

@Editorial | February 22, 2021
Clearing operations ngayon, maya-maya nagbabalikan na naman ang mga nakahambalang sa kalsada at bangketa.
Habang namomroblema ang mga opisyal at tauhan ng gobyerno, partikular ang mga nasa barangay, tila patawa-tawa naman ang mga pasaway.
Kasisita lang, hindi pa natatapos ang araw ay nakaharang na naman sa kalsada na para sana sa mga motorista at bangketa na para sa mga tao.
Kabilang na riyan ang mga pampublikong sasakyan na gumagawa ng terminal sa daan, mga vendor na nakabalandra ang mga kariton, mga tindahan, karinderya at pati mga establisimyento, ginagawang parking space ang kalsada.
Hindi masama ang maghanapbuhay at magnegosyo, lalo na sa panahon ngayon na kailangang kumayod pero, ilagay naman natin sa lugar.
Maraming nasasayang na oras, lakas at pera dahil sa problemang ganito. ‘Yung pag-iikot, paninita hanggang sa paghahakot ng mga nakahambalang sa kalsada ay nagamit na lang sana sa ibang proyekto o gawain ng pamahalaan na makatutulong laban sa pandemya.
Ganundin sa bahagi ng mga nahuhuli, ilang paninda o puwesto pa ba ang kailangang mawasak bago sumunod sa batas?
Ang pinakamasaklap, pati sariling buhay o ng kapwa ay puwedeng malagay sa alanganin.
Maunawaan sana natin na ang kalsada ay para sa mga sasakyan habang ang bangketa ay para sa mga tao. Hayaan natin itong magamit nang tama upang maiwasan ang hindi magandang pangyayari.
At para sa mga nasa gobyerno, ang clearing operations ay mananatiling hamon sa inyo na kung hindi n’yo maipatutupad, kayo ang malalagot.



Comments