Lehitimo at ligtas na trabaho para sa Gen Z
@Editorial | June 5, 2023
Sa Hunyo 12, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, magsasagawa ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng nationwide job fair.
Bawat rehiyon ay magkakaroon ng job fair sites.
Sa Metro Manila, may 12 job fair sites na inihanda kabilang na ang mga partner mall sites. Matatagpuan ang listahan ng mga job fair sites at iba pang detalye ng event sa website at Facebook page ng DOLE at Bureau of Local Employment (BLE).
Ang laging payo sa mga job seekers maging ang mga kasalukuyang empleyado na patuloy na mag-upskill at reskill dahil sa mga pagbabagong nangyayari sa labor market.
Samantala, lumalabas na mas pinipili ng mga Pinoy Gen Zs na magkaroon ng oportunidad na makapag-remote work dahil sa kakaiba nilang characteristics at work competencies katulad ng pagiging digitally native, creative, innovative, at pagiging adaptable sa pagbabago.
Ang mga trabahong hinahanap umano ng Gen Zs ay ang mga hindi nangangailangan ng pisikal na nasa opisina katulad na lamang ng content writers, copywriters, web or software developers, graphic designers, virtual assistant, online tutor, at social media manager.
Nakikita na mas malaki ang oportunidad sa mga remote work dahil mas malaki umano ang market nito.
Kaugnay nito, dapat na matiyak na lehitimo at ligtas ang mga job opportunities na nahahanap ng mga kabataan. Kailangang naka-monitor pa rin ang gobyerno para maiwasan ang pang-aabuso.
Higit sa lahat, dapat na masigurong hindi sila masasangkot sa ilegal na gawain tulad ng talamak ng pang-i-scam.
Napakahalagang nababantayan ang sektor ng paggawa, dahil dito nagmumula ang lakas ng bayan, ang katatagan at pag-unlad ng ekonomiya.
Kung maraming trabaho o mapagkakakitaan, mas madaling uunlad ang bayan.



Comments