top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

League of Governors, umapela ng agarang paglutas sa pagpatay kay Degamo

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 6, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | March 6, 2023


May kaugnayan kaya sa pulitika o sanhi ito ng lumalalang karahasan sa bansa?


Noong Sabado, napatay matapos na pagbabarilin si Negros Oriental Governor Roel Degamo at limang iba pa ang nasawi, habang apat ang nasugatan sa bayan ng Pamplona.


Inaasikaso ni Degamo ng oras na ‘yun ang ipapamahagi sa mga benepisyaryo ng 4Ps sa kanyang tirahan sa Bgy. San Isidro nang pasukin ng armadong kalalakihan at pagbabarilin na dahilan ng kanyang kamatayan.


Kinondena naman ng League of Governors of the Philippines (LGP) ang pagpatay kay Degamo, na ayon sa kanila walang lugar ang karahasan sa isang sibilisadong lipunan na pinamamahalaan sa pamamagitan ng alituntunin ng batas.


Batay pa sa inilabas na statement ng organisasyon, “The impunity reared its ugly head yet again when several men in full battle gear shoot upon Gov. Roel Degamo of Negros Oriental, killing him and wounding several people.”


Nanawagan din ang League of Governors para sa maayos at agarang pagresolba sa kaso ng pagpatay kay Degamo sa Department of Justice (DOJ) partikular na sa National Bureau of Investigation (NBI), at sa Philippine National Police na magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang mabigyan ng hustisya ang mga indibidwal na nasawi at mapatawan ng kaukulang parusa ang nasa likod ng nangyaring krimen.


Ayon sa malapit na kaalyado ng gobernador na si Siaton Mayor Fritz Diaz, idineklarang dead-on-arrival sa isang pribadong ospital si Degamo mahigit isang oras lamang matapos ang pamamaril.


Kabilang sa iba pang lokal na opisyal na nai-report na nasugatan at patuloy pang ginagamot ay sina Provincial Health Officer Liland Estacion at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Marlo Quilnet.


Sinabi naman ng asawa ng gobernador na si Pamplona Mayor Janice Degamo sa isang video statement, na 5 iba pa ang namatay na kasama ni Degamo nang sila ay pagbabarilin.


Wala talagang kinikilalang batas ang mga indibidwal na tanging alam ay pumatay ng kapwa.


Kahit pa may mga taong maaaring madamay sa kanilang gagawin, ang mahalaga lamang para sa mga ito ay matapos ang kanilang trabaho at mapatay ang kanilang target.


Maaaring ang tingin lamang nila sa ganitong gawain ay ordinaryong pagkatay ng hayop na gigilitan at mamamatay na.


Sana ay maisip ng mga ito na buhay ang kanilang kinukuha at posibleng sa susunod ay buhay na nila ang maging kapalit.


Sa kinauukulan, dagdagan pa ninyo ang pagtutok sa paghuli sa mga kriminal na nagkalat na at hindi masawata dahil patuloy din silang dumarami. Umaasa ang taumbayan na malulutas n’yo ang mga nangyayaring krimen sa bansa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page